MANILA, Philippines – Sinabi ng Commission on Elections na nasa 221 na ang naghain ng petisyon laban sa mga kandidato na pinadedeklarang nuisance candidate.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, sa kabuuang 221 , ang 117 rito ay national at 104 naman sa local.
Sinabi ni Garcia na kahapon, Okt.16 ang huling araw ng paghahain ng petisyon laban sa mga nuisance candidates.
Humabol sa paghahain ng petisyon ang kampo ni Sta.Cruz Laguna Rep.Dan Fernandez kung saan pinapadeklarang nuisance candidate ang dalawang kandidato sa pagka-governador ng lalawigan.
Sa petisyon na inihain sa Comelec Law Department nina Atty.Ariel P. Radovan at Atty.Ferdinand M.Ragaza, kinuwestyon ni Fernandez ang paghahain ng certificate of candidacy ni Jenny Vhee Comprendio Fernandez at Neizelino Tehedor Fernandez na anila ay katunog ng kanyang pangalan.
Nais ni Jenny Vhee na ilagay sa balota ang kanyang pangalan bilang Dana Fernandez habang Da Boy Fernandez naman kay Tehedor na nangangahulogan na maaring magdulot ng kalituhan sa mga botante.
Panawagan ng mga naghain ng petisyon sa Comelec na huwag hayaang makalusot ang mga panggulo sa halalan.
Ayon kay Garcia, bago matapos ang buwan ng Nobyembre ay mareresolba na ang mga inihaing petisyon. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)