MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine Army na wala silang namo-monitor na malaking banta na maaaring makaapekto sa unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nakatakda sa Setyembre 14.
Ayon kay Army spokesperson Louie Dema-ala, patuloy pa rin nilang mino-monitor ang mga lugar na may kasaysayan ng election-related incidents.
“We do not see any major threats that could significantly disrupt the upcoming elections, although we continue to monitor areas with (a) history of election-related concerns,” ani Dema-ala.
Dagdag niya, handa ang hukbo na suportahan ang Commission on Elections at Philippine National Police upang matiyak ang ligtas, maayos, at mapayapang halalan.
Sinabi rin niyang may sapat na tropa ang hukbo sa rehiyon, kabilang ang mga yunit ng 1st, 6th, at 11th Infantry Divisions sa Western Mindanao na handang magbigay ng area security, reinforcement, at rapid response support sa PNP.
Samantala, nagpasalamat ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity sa mga mambabatas sa pagpasa ng panukalang batas na nagtakda sa BARMM elections tuwing ikalawang Lunes ng Setyembre.
Ayon kay Carlito Galvez Jr., makatutulong ito upang makapaghanda ang Comelec at maipaalam sa publiko ang mga patakaran para matiyak ang mapayapa at kapani-paniwalang halalan. RNT/MND