Home NATIONWIDE PH, Australia kinondena galaw ng China sa WPS

PH, Australia kinondena galaw ng China sa WPS

1
0

MANILA, Philippines — Kinondena ng Pilipinas at Australia nitong Biyernes ang mga mapanganib na aksyon ng China laban sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa South China Sea, kasabay ng pagsusulong ng bagong defense agreement upang palalimin ang kooperasyong militar ng dalawang bansa.

Tinalakay nina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at Australian Deputy Prime Minister and Defense Minister Richard Marles ang usapin sa ikatlong Philippines-Australia Defense Ministers’ Meeting sa Darwin.

Sa joint statement, sinabi ng dalawang opisyal na ang security challenges sa Indo-Pacific ay “broadened and intensified” at nagpahayag sila ng “serious concern over the situation in the South China Sea, particularly China’s vessels engaging in destabilizing and dangerous conduct towards Philippine vessels.”

Tinukoy nila ang mga kamakailang aksyon ng China Coast Guard sa Ayungin o Second Thomas Shoal na nagresulta sa pagkasugat ng mga tauhan ng Philippine Navy.

Kinondena rin nila ang “behavior that is aggressive and destabilizing, including water cannoning and ramming of vessels, which risks escalation and miscalculation,” habang nanawagang kumilos nang propesyonal at ligtas ang lahat ng military at maritime forces.

Bilang paghahanda sa ika-10 anibersaryo ng 2016 South China Sea arbitral ruling sa susunod na taon, muling iginiit nina Teodoro at Marles ang kahalagahan ng United Nations Convention on the Law of the Sea at ang mapayapang pagresolba sa mga sigalot alinsunod sa international law.

Patuloy na inaangkin ng China ang malaking bahagi ng South China Sea, kabilang ang mga lugar na sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas, at tinatanggihan ang 2016 arbitral ruling na nagpawalang-bisa sa legal na batayan ng malawak nitong maritime claims.

Kasabay nito, tinanggap ng Pilipinas at Australia ang progreso sa pagbuo ng bagong Defense Cooperation Arrangement na papalit sa 1995 Memorandum of Understanding on Defense Cooperation.

Kapag natapos, magsisilbi itong bagong balangkas para sa security cooperation, joint activities at interoperability ng dalawang bansa.

Tinalakay din nina Teodoro at Marles ang mga defense infrastructure project sa ilalim ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept ng Pilipinas, habang tiniyak na mananatili sa soberanya ng bansa ang lahat ng project sites.

Napagkasunduan din nilang palalimin ang intelligence, surveillance at reconnaissance cooperation, kabilang ang suporta ng Pilipinas sa MC-55A Peregrine capability ng Australia.

Ipagpapatuloy din ang joint military exercises tulad ng Balikatan, Pitch Black at Carabaroo sa 2026, habang nakatakda ang Exercise Alon sa 2027.

Nagpahayag din ang dalawang opisyal ng pangamba sa submarine-launched ballistic missile test ng China noong Hulyo 6 mula sa South China Sea na lumipad sa ibabaw ng Pilipinas bago bumagsak sa Pacific.

Nanawagan sila sa mga bansa na magbigay ng advance notice sa mga apektadong estado bago magsagawa ng intercontinental at submarine-launched ballistic missile tests at space launches.

Muli ring iginiit nina Teodoro at Marles ang kahalagahan ng kapayapaan at katatagan sa Taiwan Strait at nagpahayag ng pag-aalala sa giyera sa Ukraine, kaguluhan sa Middle East, at missile activities at military support ng North Korea sa Russia.

Gaganapin naman sa Pilipinas sa 2027 ang ikaapat na Philippines-Australia Defense Ministers’ Meeting. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here