MANILA, Philippines – Plano ng Pilipinas na bumili ng karagdagang 12 light fighters mula South Korea sa halagang P40 bilyon.
Sa ngayon ay pinaplantsa na ng Manila at Seoul ang terms of reference para sa government-to-government deal, ayon sa Procurement Monitoring Report na inilabas ngayong buwan ng Department of National Defense (DND).
Ang nag-iisang aircraft maker ng South Korea na Korea Aerospace Industries ang gumawa ng 12 FA-50 light combat aircraft na kasalukuyang ginagamit ng Philippine Air Force (PAF) na nabili sa halagang P18.9 bilyon sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III.
Bukod sa pagsasagawa ng patrol missions sa bansa, ang FA-50 light fighters ay tinawag na “game changers” sa kasagsagan ng Marawi siege.
Ayon sa DND, bibili ang Philippine Army ng aeromedical Bell 412 EPX helicopter para sa emergency medical missions sa halagang P1 bilyon.
Kinumpirma rin ng isang opisyal ng PAF na pinirmahan ang isang kontrata noong Disyembre para sa anim na Embraer Super Tucano light attack aircraft para sa 15th Strike Wing ng PAF sa halagang P6.5 bilyon.
Ilan pa sa mga nagpapatuloy na modernization projects na binanggit ay ang upgrade sa mga
FA-50s, ilang cyber systems upgrades para sa Armed Forces of the Philippines, upgrades sa ground-based air defense system para sa PAF, missiles at systems upgrade sa paparating na Malvar-class corvettes, at missiles para sa PAF.
Samantala, inaasahan naman na ihahatid ng South Korean shipbuilder Hyundai Heavy Industries (HHI) ang una sa dalawang corvettes sa Philippine Navy sa pagtatapos ng Marso.
Inaasahan din ang ship launch para sa ikalawang corvette sa kaparehong panahon.
Ito ay pangangalanang BRP Miguel Malvar (FFG-06) at BRP Diego Silang (FFG-07).
Ang 3,200-ton corvettes na may antiship, antisubmarine at anti-aircraft capabilities ay bahagi ng P28-billion deal na pinirmahan ng DND sa HHI noong 2021. RNT/JGC