Home HOME BANNER STORY PH Embassy sa Israel naghahanda na ng contingency plan sa mga airstrike

PH Embassy sa Israel naghahanda na ng contingency plan sa mga airstrike

254
0

MANILA, Philippines – Binuo ng Philippine Embassy sa Israel ang crisis management team nito upang pagsama-samahin ang mga key embassy official at representative mula sa Migrant Workers Office ng Department of Migrant Workers (DMW), upang suriin ang contingency measures kasabay ng mga airstrike sa naturang bansa.

Kinumpirma ni Ambassador Aileen Mendiola-Rau na muling binuksan ang mga dati nang tinukoy na shelter para sa mga Filipino at inihanda na rin ang mga kaukulang tulong na nakaposisyon sa iba’t ibang lugar sa Israel.

“[We convened] to review the contingency plan. Tapos tignan ‘yung current situation kung anong nangyayari. Doon sa meeting namin kahapon, we discussed ‘yung purchasing once again ng mga essential goods na puwede i-preposition sa mga iba-ibang locations natin dito sa Israel,” ani Mendiola-Rau.

“Chineck din natin status ng mga shelters, ‘yung mga ginamit din natin the last time, no? Nu’ng nandito ka. So, nire-renew natin yung mga usap, ‘yung mga arrangements natin doon sa mga shelters na ‘yun para ‘pag gumrabe pa ‘yung sitwasyon, our people have somewhere to go,” dagdag pa niya.

Matatandaan na binulabog ng mga airstrike at rocket alerts ang mga residente sa Israel.

“Ang nai-encounter natin ngayon since yesterday, barrage of missiles, walang humpay eh, sa iba-ibang parts sa iba-ibang parts ng Israel,” saad ni Mendiola-Rau.

Mahigit 50,000 Filipino ang nagtatrabaho o naninirahan sa Israel.

Samantala, inilagay na rin sa heightened alert ang iba pang opisina ng DMW sa Middle East dahil sa hidwaan ng Israel at Iran.

Bagama’t hindi pa inilalabas ang mandatory evacuation order, siyam na OFW na ang nagpahayag ng pagnanais ng repatriation sa embahada ng Pilipinas.

Sa kabila nito, nananatiling sarado ang Israeli at Jordanian airspace dahilan para mapigilan ang mga outbound flight.

“We’re checking ‘yung mga possibilities kung paano ma-repatriate ang mga kababayan natin. Kasi ang airspace ngayon ng Israel at ng Jordan, closed eh. So walang aircrafts na puwede mag-take off… So we’re looking at other possibilities in case na lumala pa ‘yung sitwasyon. We’re doing, we’re coming up with plans to bring our people out. Not by air but probably by land towards Jordan or towards Egypt. Tapos siyempre, ico-consider natin din ‘yung repatriation by sea,” anang opisyal.

Sa ngayon ay hinimok ng Philippine Embassy ang mga Filipino na mahigpit na sundin ang government-issued safety protocols, kabilang ang paglimita sa mga outdoor activities, at pagtitipon katulad ng Sunday Mass. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here