Home NATIONWIDE PH Embassy: Sitwasyon ng mga Pinoy na apektado ng LA wildfires binabantayan

PH Embassy: Sitwasyon ng mga Pinoy na apektado ng LA wildfires binabantayan

MANILA, Philippines- Patuloy na ina-assess ng Philippine Embassy sa Estados Unidos ang sitwayon ng mga Pilipino na apektado ng wildfires sa Los Angeles, California.

“Ang sinasabi sa atin ng ating Konsulado, merong mga Pilipinong affected by the Palisades Fire. A total of about 150,000 homes have been destroyed. Marami diyan I’m sure [are] Filipino-Americans,” ang sinabi ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez sa isang panayam.

“But we’re still assessing the situation. At ang ating Konsulado diyan sa Los Angeles ay coordinating with the local authorities kung sinumang mga Filipinos, most especially mga Filipino workers natin, ang apektado diyan sa Los Angeles fire,” dagdag niya.

Nauna rito, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kinauukulang awtoridad na tukuyin ang mga Pinoy na nangangailangan ng tulong at apektado ng malawak na wildfires na tumama sa katimugang bahagi ng California.

“Yes, he directed our consulate in Los Angeles to work with local authorities in identifying Filipino nationals in need of assistance,” ang sinabi pa rin ni Ambassador Romualdez.

Ayon naman kay Philippine Consul General in Los Angeles Adelio Angelito Cruz, tinatayang nasa 200 Pinoy sa Los Angeles, California ang nawalan ng tahanan sa gitna ng malawak na wildfires na nanalasa sa nasabing lugar.

Sinabi ni Cruz na maaari pang tumaas ang bilang ng mga apektadong Pinoy sa mga darating na araw.

Ginarantiya naman nito na ang mga apektadong Pilipino ay ililipat sa evacuation centers sa lungsod kung saan ligtas ang lahat.

Samantala, walang Pilipino ang nasawi sa sumiklab na wildfires sa Southern California, ayon sa Philippine Consulate General sa Los Angeles.

Gayuman, sinabi ni Consul General Adelio Angelito Cruz na mahigit 150 Pinoy ang humingi ng tulong mula sa konsulado.

Nilinaw ni Cruz na wala naman sa mga ito ang nagpahayag ng intensyon na umuwi sa Pilipinas.

Tiniyak din ng Consul General na ang mahigit 150 Pinoy na nananatili sa evacuation centers ay binibigyan ng sapat na pagkain, gamot, at iba pang basic needs sa pamamagitan ng iba’t ibang organisasyon na itinatag ng “good samaritans” sa LA County. Kris Jose