Home NATIONWIDE PH gov’t lumagda ng kasunduan para sa infra projects sa Cebu, Bohol,...

PH gov’t lumagda ng kasunduan para sa infra projects sa Cebu, Bohol, Dumaguete, Siargao

MANILA, Philippines- Sinaksihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglagda sa infrastructure project agreements sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Ang mga kasunduan ay sumasaklaw sa mga daungan, paliparan at bus transit transportation system na nakatakdang i-develop sa mga darating na taon.

Ang mga proyekto, inisyatiba ng Department of Transportation (DOTr), ay nakikitang magsasaayos sa byahe sa iba’t ibang lalawigan gaya ng Cebu, Bohol, Dumaguete, at Siargao, na ayon sa Pangulo ay mapahihintulutan ang mga magsasaka at entrepreneurs na lumago sa bagong merkado.

Kabilang dito ang konstruksyon ng P17-billion New Cebu International Container Port (NCICP), na naglalayong maibsan ang kasikipan sa Cebu Base Port at makapagbigay ng mas maraming espasyo para sa mga port activity sa lugar.

Nilagdaan din ang kasunduan para sa P28-billion Cebu Bus Rapid Transit (CBRT), hangad na makonekta ang mga pangunahing bahagi ng Cebu at paghusayin ang pang-araw-araw na biyahe para sa mga residente.

Kabilang sa mga pinirmahang proyekto, araw ng Miyerkules, ay ang P4.53-billion Bohol-Panglao International Airport na gagawin sa dalawang phase—itaas ang kapasidad sa 2.5 milyong pasahero sa 2026, at halos 4 milyon sa 2030 mula sa kasalukuyang 2 milyon.

“This project is expected to generate P15 million in annual revenue during its first five years, rising to P200 million a year by the end of the concession period,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

Para naman sa air connectivity, tinintahan ng gobyerno ang dalawang proyekto para sa regional airport para sa Dumaguete para maisakay ang mga estudyante, manggagawa at negosyante; at Siargao para sa turismo at kalakalan.

“With the support of the International Finance Corporation, we will ensure that these airports meet global standards. But beyond technical aspects, what is important is a positive change that they will bring,” wika niya.

“Let us remember: These projects are not just structures, they are representative of every Filipino’s dream of more comfortable travel, better opportunities, and a clearer path towards their goals and dreams,” dagdag ng Pangulo. Kris Jose