MANILA, Philippines- Iniimbestigahan ng pamahalaan ng Pilipinas ang umano’y fraud at illegal recruitment ng mga Pilipino sa taly, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Martes.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon briefing, sinabi ni DFA Assistant Secretary Paul Raymund Cortes na handang magbigay ng legal assistance ang pamahalaan, subalit sa ngayon, kumukuha ang mga pamilya ng mga biktima sa Italy ng sarili nilang mga abogado upang pag-aralan ang kaso.
Ani Cortes, hindi nakakuha ng visas ang mga biktima mula sa Italian Embassy sa Manila matapos magpresenta ng mga dokumentong nakuha nila mula sa kanilang recruiters na kalaunan ay napag-alamang “peke” pala.
Nagbayad kada isa sa kanila ng halos 3,000 euros o P178,000.
Wala pang naisasampang kaso laban sa mga sangkot na kompanya.
“We’re working on both ways to file a criminal case in Italy and to file a case here in the Philippines. But of course, all of that has to be coordinated,” pahayag ni Cortes. “We need all the evidence to file a case both in Italy, hopefully, and here in the Philippines with the help of DOJ (Department of Justice).”
Samantala, sinabi ng Philippine Consulate General sa Milan na ito ay kumikilos “quietly with Italian authorities in the past several weeks” bilang bahagi ng mga imbestigasyon sa mga kaso.
Ani Consul General Elmer Cato na hanggang nitong Oct. 2, halos 51 indibidwal ang naghain ng reklamo sa Consulate laban sa tatlong indibdiwal at dalawang ahensya. RNT/SA