Home NATIONWIDE PH gov’t pinasasagot ng SC sa petisyon vs MIF

PH gov’t pinasasagot ng SC sa petisyon vs MIF

MANILA, Philippines- Pinagpapaliwanag ng Supreme Court (SC) ang Malacañang at ang Kongreso kaugnay ng petisyon na nais ipadeklara bilang ilegal ang Maharlika Investment Fund Act of 2023 o ang Republic Act No. 11954.

Sa SC En Banc session resolution, inatasan sina Executive Secretary Lucas P. Bersamin, Finance Secretary Benjamin E. Diokno, ang House of Representatives at Senado na maghain ng komento sa loob lamang ng sampung araw.

Inatasan ang mga nabanggit na respondent na magkomento hindi lamang sa petisyon kundi maging sa nais ng mga petitioner na maglabas ang SC ng temporary restraining order (TRO) laban sa naturang batas.

Magugunita na naghain kamakailan ng petition for certiorari and prohibition sa Korte Suprema sina Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III, dating congressman at Bayan Muna Chairman Neri Javier Colmenares, dating Bayan Muna congressmen Carlos Isagani Zarate at Ferdinand Gaite.

Ipinunto sa petisyon ang tatlong seryosong basehan para ideklarang labag sa saligang batas ang Maharlika Investment Fund Act.

Ayon sa mga petitioner, naipasa ang nasabing batas kahit na labag nito ang Section 26 (2), Article VI ng 1987 Constitution. Hindi rin nakatugon ang batas sa test of economic viability na itinatakda sa ilalim ng Section 16, Article XII ng Constitution at nilabag ng batas ang kasarinlan ng Bangko Sentral ng Pilipinas na nakasaad sa Section 20, Article XII ng saligang batas.

Magugunita na July 18 ay nilagdaan bilang ganap na batas ni Pangulong Marcos ang Maharlika Investment Fund Act na kauna-unahang investment fund ng Pilipinas. Teresa Tavares