Home NATIONWIDE PH gov’t nakapokus sa early childhood dev’t, edukasyon

PH gov’t nakapokus sa early childhood dev’t, edukasyon

MANILA, Philippines- Prayoridad ng gobyerno ang paghusayin ang ‘early childhood development ‘ bilang bahagi ng pagsusulong na iangat ang pangkalahatang educational standards ng bansa.

Ito ang naging tugon ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa mga alalahanin hinggil sa sitwasyon ng edukasyon sa Pilipinas.

Ito’y matapos na mag-viral sa social media ang kwento ng isang noontime show contestant, na umamin na kulang siya sa kaalaman ukol sa Commission on Elections.

Dahil dito, maraming social media users ang nagpahayag na ang insidenteng ito ay nagbibigay-diin lamang sa mas malawak na ‘education crisis’ sa bansa.

Binigyan-diin ni Castro na ang kakapusan sa kaalaman at kamalayan ng isang indibidwal ay hindi sumasalamin sa mas malawak na pagsisikap ng gobyerno na ayusin at paghusayin ang sistema ng edukasyon.

Muling tiniyak nito sa publiko na committed ang administrasyon na tugunan ang mga usapin na may kinalaman sa edukasyon.

“Hindi po nababahala ang ating Pangulo dahil sa atin po, sa panahon po ngayon, lahat po ng paraan ay ginagawa po natin para maiangat po ang lebel ng ating edukasyon,” ang sinabi ni Castro.

Isa rin aniya sa inisyatiba ng pamahalaan ay naglalayon na paghusayin ang ‘foundational education’ para sa mga kabataan gaya na rin ng naging rekomendasyon ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2).

Sa ulat, kamakailan ay inaprubahan ni Pagulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang aloksyon ng P700 milyon para sa konstruksyon ng child development centers sa low-income municipalities ngayong taon.

Maliban dito, sinagot din ni Castro ang isyu ng K-12 education system, sinabi nito na patuloy na ina-assess ng gobyerno ang pagiging epektibo nito.

Ipinanukala nito ang potensyal na policy change na magre-require sa mga pribadong kompanya na mag-hire o tumanggap ng siguradong bilang ng Grade 12 graduates, sa ngayon kasi, ang pagha-hire ng K-12 graduates ay madalas na boluntaryo.

“This proposal aims to enhance the employability of students completing the K-12 program,” ayon kay Castro.

“Kung magkakaroon po ng batas na at least two Grade 12 graduates ang inyong i-hire ay mas magkakaroon po ng magandang solusyon o resulta itong mga nag-graduate po ng Grade 12 kasi po mas paiigtingin nila rin ang kanilang kaalaman,” aniya pa rin. Kris Jose