MANILA, Philippines- Sinisi ng Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPI) nitong Sabado ang inflation sa kamakailang pagtaas ng rate sa mga pribadong ospital.
Ayon kay PHAPI President Dr. Jose Rene de Grano, nag-umpisa ito noong nakaraang taon pa kung saan naramdaman ang inflation.
Dahil patuloy ang pagtaas ng mga gastos ng ospital ngayong 2025, ang gastos sa goods, suplay at gamot at iba pa kahit sa pagtaas ng sweldo ng mga kawani– ang ibang ospital ay nagdagdag pa ng 5%.
Paliwanag ni De Grano na sa pagtaas sa presyo ay kabilang ang room rates at laboratory fees bukod sa iba pa.
Gayunman, sinabi ni De Grano na sa pagtaas ng PhilHealth coverage, ang pagtaas ng rate para sa mga pasyente ay ginawang mas madaling pamahalaan.
Samantala, tiniyak ni De Grano sa mga pasyente na inatasan ang kanilang member hospitals na pagbutihin ang kanilang serbisyo sa gitna ng rate increase. Jocelyn Tabangcura-Domenden