Home OPINION PHILHEALTH MAGBIBIGAY NG LIBRE O SUBSIDIZED OUTPATIENT CANCER SCREENING

PHILHEALTH MAGBIBIGAY NG LIBRE O SUBSIDIZED OUTPATIENT CANCER SCREENING

328
0

LAYUNIN ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) mabawasan ang bilang ng mga namamatay dahil sa kanser at maibsan ang pasaning pinansyal ng mga pamilyang Filipino. Simula ngayong darating na Agosto 14, 2025 ilulunsad ng PHILHEALTH ang libre o subsidized outpatient cancer screening sa ilalim ng bagong YAKAP o “Yaman ng Kalusugan Program”.

Ang YAKAP ay isang pinala­wak at mas digital na bersyon ng PHILHEALTH Konsulta Packa­ge na layong magbigay ng mas madali at komprehensibong akses sa pangunahing serbisyong medical.

Saklaw ng PHILHEALTH YAKAP ang mas malawak na serbisyo tulad ng libreng gamot, regular na check-up, at mga ba­tayang laboratory tests. Sa mga susunod na linggo, mas lalawak pa ang mga benepisyo nito ka­bilang ang pagkakaroon ng anim na uri ng cancer screening tests at 54 karagdagang gamot ang idaragdag sa PhilHealth GAMOT o Guaranteed Accessible Me­dications for Outpatient Treatment.

Nanawagan si Dr. Edwin Mercado, acting president at chief executive officer ng PHILHEALTH sa publiko na magparehistro sa YAKAP. Maaaring gamitin ng mga miyembro ng PHILHEALTH ang link nito sa eGovPH app upang makuha ang benepisyo mula sa mga accredited health providers.

Batay sa datus, mas mataas ang panganib ng maagang pagkamatay mula sa breast, lung, colon, at liver cancer ng mga pasyenteng Filipino, lalo na ang mga haligi ng tahanan, kum­para sa iba pang kapitbahay sa Asya.
Tinatayang umaabot sa Php 35.3 bilyon kada taon ang epekto nito sa ekonomiya.

Ayon sa Globocan 2022, ma­hi­git 189,000 bagong kaso at higit 113,000 pagkamatay ang naitala sa bansa dahil sa kanser.

Ipinahayag ni Dr. Edwin Mercado sa paglulunsad sa Jose Re­yes Memorial Medical Center na, “Sa pamamagitan ng bagong benepisyong ito, mas pinalawak ang akses ng bawat Filipino sa maagang pagtuklas ng kanser. Hindi na kailangang mag-atubili na agarang magpa-screening da­hil ang serbisyong ito ay para sa lahat.”

Saklaw ng bagong benepis­yo ang mga sumusunod na cancer screening procedures:

Mammogram – Php 2,610

Breast Ultrasound – Php 1,350

Low Dose Chest CT Scan – Php 7,220

Alpha Fetoprotein – Php 1,230

Liver Ultrasound – Php 960

Colonoscopy – Php 23,640

Upang makagamit ng benepisyo, kailangang magparehistro ang miyembro sa napiling PHILHEALTH YAKAP Clinic. Pagkatapos ng masusing pagsusuri, bibigyan ng primary care doctor ng reseta ang pasyente upang magtungo sa accredited cancer screening facility.

Para sa karagdagang detalye, maaaring tumawag sa PHILHEALTH 24/7 hotline sa (02) 8662-2588 o sa mga mobile number na (Smart) 0998-8572957, 0968-8654670, at (Globe) 0917-1275987, 0917-1109812

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here