MANILA, Philippines- Inilunsad ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang promosyonal na mas mababang singil sa pagpapadala ng domestic at international mail services kabilang ang Express Mail Service (EMs) upang mapalakas ang posisyon nito sa merkado at gawing mas abot-kaya ang serbisyo para sa publiko.
Ayon kay Postmaster General Luis D. Carlos, ang bagong mga rate ay magbibigay sa publiko ng mas murang serbisyo ng pagpapadala kumpara sa kasalukuyang presyo sa merkado, na makatutulong sa kanila na makatipid sa gastusin sa koreo.
Aniya, nagawa ng PHLPost na bawasan ang singil dahil sa mahusay na pamamahala, na lubos na nagpabuti sa operasyon ng korporasyong pag-aari ng gobyerno.
Dagdag pa niya, matagal nang nahihirapan ang publiko sa patuloy na pagtaas ng singil sa koreo, lalo na sa mga pribadong courier services.
Dahil sa mas mababang presyo, inaasahan ng PHLPost ang pagdami ng mga gagamit ng kanilang serbisyo.
Para sa kumpletong listahan ng bagong promo rates, bisitahin ang PHLPost website sa www.phlpost.gov.ph.
Dagdag pa ni PMG Carlos, kahit na may promosyonal na mga rate, makaaasa ang publiko na mananatiling mataas ang kalidad ng serbisyo ng PHLPost.
Ang pagbawas sa singil ay resulta ng mas pinahusay na operasyon, matipid na paggamit ng pondo, at mas malinaw na pamamahala, na nagpapahintulot sa PHLPost na direktang ipasa ang natipid na halaga sa kanilang mga kustomer. Jocelyn Tabangcura-Domenden