Home NATIONWIDE Suporta ni PBBM nanatiling bentahe ng Alyansa bets

Suporta ni PBBM nanatiling bentahe ng Alyansa bets

MANILA, Philippines- Sa kabila ng ingay sa politika, nanindigan ang mga senatorial bets ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas na nananatiling bentahe nila ang suporta ni Pangulong Bongbong Marcos.

Sa isang press conference sa Trece Martires City, tinanong si Alyansa campaign manager Navotas City Rep. Toby Tiangco kung ano ang “advantage” ng mga kandidato sa ilalim ng alyansa, tugon ni Tiangco, malaki ang advantage ng suporta ng administrasyon gayundin ay malaki ang magiging tulong ng mga senatorial candidate sa pamamahala ni Pangulong Marcos.

“Kailangan ang malakas na legislative support para mapanatili ang development agenda ng kasalukuyang administrasyon, ang natitirang tatlong taon sa termino ni President Bongbong ay krusyal na pagkakataon para maipagpatuloy ang momentum sa infrastructure at regional developmen,” ani Tiangco.

Iginiit ni Tiangco na hindi lamang nakalinya sa mga programa ng pamahalaan ang maibibigay ng ‘Alyansa’ candidates kundi pati subok at maayos na liderato.

Sinang-ayunan ni ‘Alyansa’ senatorial candidate at former Senate President Vicente “Tito” Sotto III si Tiangco. Aniya, tumitingin siya sa hinaharap kapag may mga political controversy kabilang na ang nangyaring pag-aresto ng ICC kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Sa akin kasi, ang attitude ko, history has a way of catching up the past. Kaya ako, I’d rather not look at the past. I’d rather look forward,” ani Sotto.

“Ang pinag-uusapan dito, makakatulong ba kami sa bansa natin o hindi? Makakagulo lang ba kami? So, I’d rather not talk about them, the past. I’d rather look forward and say that we are, I am ready to serve,” paliwanag ni Sotto.

“We have very good programs. We have a track record to back us up, and we have the experience to be able to deliver these programs well. That is definitely good for the country.” dagdag pa nito.

Inamin naman ni dating Senator Panfilo “Ping” Lacson na noong una ay nagdadalawang-isip siya kung tatakbong muli, hanggang sa makitang pareho ang kanyang adbokasiya sa mga isinusulong ng administrasyon kaya tumuloy na siya.

Isusulong din ni Lacson ang digitalization, na pareho rin sa mga prayoridad ng pamahalaan. “Ito ‘yung makakapagpabawas ng corruption kapag nag-fully digitalize tayo,” wika pa ni Lacson.

“Siguro ‘yung mga tao naman, mas discerning or can be discerning enough para kilatisin ‘yung mga kandidato. Hindi lamang ‘yung magagaling mam-bash o magaling sa fake news ang kanilang iboboto kundi tingnan ‘yung mga record mismo ng mga kandidato,” patuloy niya.

Bukod kina Sotto at Lacson, bahagi rin ng ‘Alyansa’ slate sina dating Interior Secretary Benhur Abalos; Makati City Mayor Abby Binay; reelectionist Senators Ramon Bong Revilla, Pia Cayetano, Lito Lapid, Imee Marcos at Francis “Tol” Tolentino; dating Senator Manny Pacquiao; ACT-CIS Representative Erwin Tulfo at si Deputy Speaker Camille Villar.

Sa naganap na campaign rally sa Trece Martires ay hindi naman nakadalo sima Villar at Marcos. Gail Mendoza