Manila, Philippines – Naglabas na ng posisyon ang Iglesia Ni Cristo sa mga kaganapan sa bansa kaugnay ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng International Criminal Court (ICC) at pagdala sa kaniya sa The Hague, Netherlands.
Sa programang Sa Ganang Mamamayan sa Net 25 ay malinaw na sinagot ni Brother Edwil Zabala ang mga tanong ng dalawang hosts na sina Nelson Lubao at Genycil Subardiaga.
“Para po sa mga kababayan natin ang posisyon po ng Iglesia Ni Cristo ay kung ano ang tama at kung ano ang nasa batas natin ay iyon sana ang dapat na pairalin. Huwag po itong pairalin para umayon sa nais ng sinuman.”
Dagdag pa ni Bro. Zabala na: “hindi sumasang-ayon ang Iglesia Ni Cristo sa anumang hakbangin na hindi naaayon sa mga batas ng ating bansa. Sapagkat ang batas po ang salalayang nagpapanatili ng kaayusan ng ating bansa.”
“Kapag ang batas ay binalewala ay nagbubunga ito ng kaguluhan, hidwaan at kawalang hustisya. Sinumang Pilipino o mamamayan ng ating bansa na may ginawang paglabag sa ating mga batas dito dapat litisin sa ating bansa,” giit pa ni Bro. Zabala.
Aniya, ang Pilipinas ay may mga gumaganang sistema ng hustisya at nagtitiwala ang Iglesia Ni Cristo sa kakayahan at integridad ng hudikatura sa bansa.
“Nagtitiwala ang Iglesia Ni Cristo sa kakayahan at integridad ng hudikatura para pagpasiyahan ang mga ganitong usapin. Ang mga hukom natin ay may kakayahan na gampanan ang kanilang tungkulin na ipataw ang tamang hustisya at pairalin ang katarungan sa lahat ng sandali.”
Malinaw din na sinabi ni Bro. Zabala na: “hindi naman po natin sinasabing huwag litisin ang dating pangulo sa mga inaakusa sa kaniya. Ang sa ganang amin po ay nagtitiwala ang Iglesia ni Cristo sa integridad at kakayahan ng hudikatura para pagpasiyahan ang mga ganitong bagay o usapin.”
Inihayag din niya na nag-rally ang INC nitong Enero para ipanawagan ang kapayapaan, pagkakaisa at ang panawagan nila na unahin ng gobyerno na asikasuhin ang problema ng bansa kaysa ang mga awayan at hidwaan.
Naniniwala ang INC na pamumulitika lamang ang nanaig.
Dismayado ang INC na hindi pinakinggan ng gobyerno ang kanilang panawagan.
Ang INC aniya ay para sa kung ano ang tama at kung ano ang nasa batas. Meliza Maluntag/Teresa Tavares