MANILA, Philippines- Nagpahayag ng pasasalamat ang Malakanyang sa Senado sa pagdaraos ng pagdinig sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Para sa Malakanyang, makatutulong ito para maliwanagan ng publiko ang mga ‘legal matter.’
“Unang-una po, nagpapasalamat po tayo na nagkaroon po ng Senate hearing patungkol dito. Mas naliwanagan ang taumbayan kung ano ba ang nangyari,” ang sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro.
Ang pagdinig, pinangunahan ni Senator Imee Marcos, naglalayon na linawin ang papel ng International Criminal Court (ICC), International Criminal Police Organization (Interpol), at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pag-aresto kay Digong Duterte.
Layon din ng pagdinig na kumpirmahin na protektahan ang karapatan ni Duterte sa ilalim ng domestic laws at mga tratado at pag-aralan ang koordinasyon sa pagitan ng mga awtoridad ng Pilipinas at international law enforcement.
Nang tanungin kung sino ang nag-utos na ipatupad ang pag-aresto kay Duterte, sinabi ni Castro na wala siyang ‘personal knowledge.’
“Kung sinuman po ang nag-utos, wala po tayong personal knowledge diyan. Kung ano po napag-usapan, wala parin po tayong personal knowledge diyan. Kung naganap na po ang dapat na naganap, yan po ay naaayon po sa batas,” ayon kay Castro. Kris Jose