Home OPINION PILIPINAS, DUMARANAS NG LUBHANG MAINIT NG PANAHON DULOT NG CLIMATE CHANGE

PILIPINAS, DUMARANAS NG LUBHANG MAINIT NG PANAHON DULOT NG CLIMATE CHANGE

Matindi na ang nararanasang init, at inaasahang mas lalala pa ang init na mararamdaman, bago pa ideklara ang pag-uum­pisa ng tag-init sa bansa. Huwag na tayong magtaka pa dahil ang Pilipinas ang ikatlong bansa sa buong Asya na nakararanas ng “hindi pangkaraniwang init” dulot ng climate change ayon sa Climate Central, isang non-profit group.

Natuklasan sa pag-aaral ng mga siyentipiko na umabot sa 74 na araw ang naranasang temperatura sa bansa na umabot sa Climate Shift Index (CSI) level 2 o mas mataas pa, at naniniwala silang sanhi ito ng nagbabagong panahon.

Ang CSI ay isang sistema na binuo ng Climate Central upang masukat ang lokal na epekto ng climate change sa pang-araw-araw na temperatura ng isang bansa. Mas ma­taas ang antas, mas malaki ang impluwensya ng climate change na natukoy.

Sa pamamagitan ng sistemang ito, natuklasan ng mga siyentipiko na “pinalala ng human-caused climate change ang mga panganib sa kalusu­gan na dulot ng init sa bil­yon-bilyong tao at naging mas ma­lamang ang pagdanas ng matitinding heat events sa buong mundo.

Napag-alaman sa pag-aaral na 10 sa 51 bansa sa Asya ang nakaranas ng mahigit 30 araw na may temperaturang umabot sa CSI level 2 o mas mataas pa:

Brunei Darussalam, 83 araw;
Maldives, 81 araw;
Indonesia, Sri Lanka at Ti­mor Leste – 72 araw;
Malaysia, 63 araw;
Singapore, 56 araw;
Yemen, 46 araw; at
Myanmar, 45 araw

Umabot sa 554 million tao sa 10 bansa sa Asya ang nakaranas ng pang-araw-araw na average temperature na ma­­lakas ang impluwensya ng climate change nang hindi ba­baba sa ikatlong bahagi ng season na 30 araw o higit pa ayon sa Climate Central.

Natuklasan din ng mga siyentipiko na sa 38 “megacities” sa buong mundo o mga lungsod na may populasyong higit sa 10 million kasama ang Maynila sa 11 lugar na “nakaranas ng init na malakas ang impluwensya ng climate change.”

Naitala sa Maynila ang 69 na araw na umabot sa CSI level 2 o mas mataas, pumangatlo sa Lagos sa Nigeria na may 89 na araw, at Tamil Nadu sa India na may 81.

Pumuwesto rin ang Pilipinas sa ika-walong pwesto sa Asya sa pinakamaraming bi­lang ng “risky heat days” na dulot ng climate change, na may dalawang araw sa nakalipas na tatlong buwan.

Ang “risky heat” ay tumutukoy sa temperaturang mas mainit sa 90 percent ng naitalang temperatura sa isang lugar mula 1991 hanggang 2020.
Nanguna ang Timor-Leste sa Asya na may 22 araw ng risky heat na idinagdag ng climate change, sinundan ng Indonesia na may 16.

Kasama rin sa listahan ang Sri Lanka (6), Singapore (6), Malaysia (5), Brunei Darussalam (4), Maldives (4), at nasa ika-siyam na pwesto ang Cambodia (1).

Sa pagkalkula ng CSI, gi­namit sa pag-aaral ang datos mula sa European Centre for Medium-Range Weather Forecasts.

Sinuri ang 220 bansa at teritoryo pati na ang 940 lungsod sa buong mundo. Kinuha ang tantiya ng populasyon mu­la sa Encyclopedia Britannica at Gridded Population of the World collection ng National Aeronautics and Space Admi­nistration.

Batay sa forecast ng Phi­lippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration, may tatlong na lugar ang makararanas ng temperaturang 40 hanggang 41 degree Celsius, ang Dipolog City, Zamboanga del Norte; Zamboanga City (Zamboanga del Sur); at Cotabato City (Maguindanao), na nasa kategorya ng “Extreme Caution.”