
NANINIWALA ang SEC o Securities and Exchange Commission na malapit ng maalis sa listahan ng FATF o Financial Action Task Force ang Pilipinas sa listahan nito ng aktibo ng dinadaluyan ng mga “dirty money” na hinihinalang ginagamit ng terrorist groups sa paghahasik ng kaguluhan at takot sa maraming bahagi ng mundo.
Ayon kay SEC chairperson Emilio Aquino, kinilala ng FATF ang ginagawang hakbang ng bansa para matugunan at makontrol ang mga isyu kaugnay sa anti-money laundering and combating the financing of terrorism o AML / CFT.
Sa kanyang pagdalo sa FATF plenary meeting na ginanap sa Singapore kamakailan ay tinalakay ang progresong ginagawa ng Pilipinas kaugnay sa AML/CFT o Anti-Money Laundering and combating the Finance of Terrorism.
Kabilang sa mga hakbang ng bansa ang paglalaan ng pondo para sa pagsasagawa ng money laundering investigations, pagsasampa ng mga kaso, pagpapatupad ng beneficial ownership transparency obligations, pagbibigay ng access sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan sa mga datus, at implementasyon ng mga risk-based supervision sa mga non-financial business and professions.
Malaki ang papel ng SEC bilang miyembro ng AMLC o ng Anti-Money Laundering Council sa gumagandang pagtingin sa bansa kaugnay sa dirty money.
Noong 2019 at 2020 ay ginawang mandatory ng SEC ang deklarasyon ng beneficial ownership sa general information sheets ng domestic at foreign corporations. Ang mga impormasyong ito ay bukas sa pagsusuri ng PNP o Philippine National Police, BIR o Bureau of Internal Revenue, PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency at NBI o National Bureau of Investigation.
Noong 2021 naman, naglabas ng memorandum circular ang komisyon na nagbabawal sa paglalabas at pagbenta ng bearer shares at bearer share warrants para magkaroon ng transparency at maiwasang magamit ang mga korporasyon sa mga hindi magandang gawain.
Nagpatupad naman ng amnesty program ang SEC noong 2022 hanggang 2023 para maisumite ng mga korporasyon ang reportorial requirements at bilang pagsunod sa batas ukol sa ease of doing business.
Nasa 85,000 na mga kompanya ang lumahok sa alok na amnestiya, inayos ang kanilang mga papeles, at pinagbayad lamang ng tamang multa sa mga hindi naisumiteng accomplishment report at financial statements.
Umabot naman sa 117,000 na korporasyon ang sinuspinde ng komisyon matapos na hindi pa rin nagsumite ng mga dokumento sa kabila ng ipinatupad na amnestiya.
Mula nang maghigpit ang SEC, ang dating 30% na compliance rate ay pumalo na ngayon sa 70% sa loob ng dalawang taon.
Pinangunahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang delegasyon ng Pilipinas sa FATF plenary meeting kung saan ay muling inulit nito ang kaseryosohan ng bansa na labanan ang AML/CFT.
Pero habang gagawin pa lamang ng bansa ang mga kulang nito sa paglaban kontra money laundering na sumusuporta sa mga terorista ay mananatili muna sa listahan ang Pilipinas sa ikatlong sunod na taon.