Home OPINION UMENTO NANG NAUNSYAMING PAG-ASA

UMENTO NANG NAUNSYAMING PAG-ASA

145
0

INAPRUBAHAN ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang P35 dagdag sa minimum wage para sa mga manggagawa sa National Capital Region, epektibo sa Hulyo 17. Ang arawang sahod ng mga non-agricultural worker ay magiging P645 na, habang ang mga nagtatrabaho sa sektor ng agrikultura at sa maliliit na retail/service establishments ay tatanggap na ng P608. Maaapektuhan sa umentong ito ang tinatayang 1.7 milyong manggagawa at layuning maiwasto ang kalituhan sa suweldo.

Bagama’t ginhawa itong maituturing para sa Employers Confederation of the Philippines (ECoP), iginigiit ng mga grupo ng manggagawa na hindi ito sapat. Ikinatutuwa ng mga employer na kakayanin nila ang umento kumpara sa mas malaki na unang ipinanukala, nakikita ang win-win situation na umaagapay sa maliliit na negosyo at nakababawas sa inflation.

Gayunman, binatikos ng labor leaders ang kapiranggot na dagdag-sahod dahil sa kabiguang matugunan ang tumataas na halaga ng mga gastusin at sa hindi pagkakaloob ng karampatang sweldo. Makatutulong kahit paano ang P35 dagdag-sahod para sa ilang empleyado, pero hindi nito ganap na nareresolba ang problemang pinansyal ng mga uring manggagawa.

Sa huli, ang pampalubag-loob na taas-suweldo na ito ay makapagpapanatili ng mga negosyo pero walang epekto para mapaliit ang malaking kaibahan sa pagitan ng pagdarahop at karangyaan para sa mga manggagawa sa Metro Manila.

Matindi ang epekto ng inflation sa mga Pilipino, at bagama’t tungkulin ng gobyerno na protektahan ang mga manggagawa, mamimili, at pami-pamilya mula sa maidudulot nito sa ekonomiya, bigong-bigo ang administrasyong Marcos na maisakatuparan ang mga ipinangako nito sa larangan ng agrikultura at masuportahan ang export industries, kaya naman hindi na tinantanan ang bansa ng inflation at ng mga naunsyaming pag-asam.

               Sarili nating Manchurian candidate?

Para sa mga nakabasa ng nobelang “The Manchurian Candidate” o nakapanood sa pagsasapelikula nito noong 2004, alam n’yo na ang kwento ng isang walang muwang na indibiduwal na hinubog para maging isang political puppet. Tampok sa nobela ang bida na na-brainwash ng mga Chinese sa panahon ng Korean War, habang in-update naman ito sa pelikula sa anggulo ng corporate, inilahad ang kwento ng kapangyarihan, pagmamanipula, at palihim na mga intensyon.

Ngayon, imadyinin ninyo: paano kung may sariling bersiyon ng “Manchurian Candidate” ang Pilipinas? Tingnan na lang natin si Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac bilang isang corporate puppet. O pupwede ring si Sara Duterte – nakabibingi ang katahimikan sa usapin ng West Philippine Sea. O, paano kaya kung mismong si dating pangulong Rodrigo Duterte ang sarili nating Manchurian prototype?

Imadyinin na lang natin ang mangyayari sa ating political landscape kung ang mga pinunong ito ay naiimpluwensiyahan ng dakilang Asian power ng ika-21 siglo. Mapaiisip tayo kung sa bawat policy decision ba, may kaduda-dudang nilalang na humahatak sa mga tali, parang ganoon sa nangyari sa klasikong nobela.

Bagama’t ang usaping ito ay nananatiling espekulasyon lamang o maituturing na biruan, totoong napaiisip ang ilan sa atin tungkol sa tunay na galawan ng kapangyarihan at impluwensya sa ating bansa, base sa mga nangyayari sa atin sa ngayon.

                                 *        *       *

SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.

 

 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here