
NOONG Hunyo 19, nagdesisyon si Vice President Sara na huwag na maging bahagi ng gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos kung kaya’t nagbitiw siya bilang Secretary ng Department of Education at Vice Chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, na dahilan upang matuldukan ang BBM-SARA Uniteam noong halalang 2022.
Marami pang mga sumunod na kaganapan tulad nang pagsasabi ni Atty. Harry Roque na pamumunuan ni VP Sara ang bagong oposisyon, paglalahad ni VP Sara na tatakbo sa Senado ang kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte at dalawang kapatid na lalaki, na nitong mga nakaraang araw naman ay itinanggi ng haligi ng mga Duterte at ang pagpalag ng ibang oposisyon kaugnay sa pahayag ni Roque.
Para naman kay dating Sen. Antonio Trillanes, mas mainam na mabuo ang pagsasanib ng administrasyon at genuine oposisyon laban sa kampo ng mga Duterte upang hindi na raw makabalik o madagdagan pa ang bilang ng mga ito sa antas pambansa o national positions.
Marami ang nagtatanong kapag pinagsama ba ang administrasyon at oposisyon posible pa ang pagkakaisa? Sa equation, administration + oposisyon = unity?
Kung sisimulan ang pagkakaisa, ngayon pa lamang ay ang magiging itsura nito ay malamang sa halalang 2025 sa Senatorial Line-up posibleng magkakasama-sama sa 12 ang mga kandidato ng administrasyon at genuine oposisyon para labanan ang mga Duterte at pwersa nito.
Nasa panig ng mga Duterte sina re-electionist Senators Bong Go, Francis Tolentino at Ronald “Bato” Dela Rosa.
Kung ating iisa-isahin ay may koalisyon na ang administrasyong Marcos mula sa kanyang Partido Federal ng Pilipinas sa iba pang partido pulitikal gaya ng Lakas CMD, Nacionalista Party, National People’s Coalition at National Unity Party para sa paghahanda sa pakikibakang-elektoral sa 2025, ngunit kung idaragdag dito ang genuine oposisyon ay ito ang mga iba’t-ibang partido-pulitikal gaya ng Liberal Party at Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino.
Kung sa koalisyon, sa tingin ko ay hindi mangyayari na magkakaisa o magkasamang lahat ang mga partido, datapwa’t maaari naman kung sa usapin lamang ng alyansa para kanilang sabayang labanan ang sinasabing bagong oposisyon na binubuo ng personalidad mula kampo ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Abangan natin ang mga magaganap habang palapit ang 2025 Midterm elections.