Home OPINION PADRINO NG ILIGAL NA POGO, IBUBUKING NA

PADRINO NG ILIGAL NA POGO, IBUBUKING NA

PALAISIPAN pa rin sa marami kung sino itong binabanggit na dating cabinet official na umano’y walang tigil sa pag-uudyok o nagla-lobby sa Philippine Amusement and Gaming Corporation na bigyan ng lisensya ang mga iligal na Philippine Offshore Gaming Operators kabilang ang ni-raid sa Porac, Pampanga.

Bago kasi ibinunyag ni PAGCOR Chairman Alejandro Tengco na may cabinet secretary ang panay ang follow-up na bigyan ng lisensya ang iligal na POGO, nai-blind item na ito sa programa sa radyo nina Anthony Taberna at Gerry Baja at nagbigay sila ng “clue” na dahilan upang mahulaan ito ng ilan.

Kaya nang ikanta na ito ni Tengco at sabihing papangalanan niya ang cabinet official sa tamang forum, nagpahayag na si Sen. Risa Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, na ipapatawag nila sa susunod na pagdinig ang  chairman para doon ibunyag kung sino itong protector umano ng iligal na POGO.

Sabi ni Hontiveros, naniniwala siya na hindi na dapat pang humiling ng executive session si Tengco para ibulgar ang pangalan ng dating cabinet official dahil kung may sinasabi siyang tamang forum, ang Senado aniya na nagsasagawa ng imbestigasyon tungkol dito ang lugar kung saan siya maghahayag.

Kapag nabulgar ang pangalan ng dating cabinet official, malamang na itatanggi niya ito at tiyak na hahanapan ng ebidensiya ang mga nag-aakusa lalo’t matinik na abogado ito at kayang-kayang ipagtanggol ang sarili at dumepensa sa mga akusasyon.

Sa impormasyon, hindi lang pala si Tengco ang kinukulit nitong dating cabinet official kundi ang iba pang opisyal ng PAGCOR na may “say” din sa pagkakaloob ng lisensya sa mga POGO.

Bago raw tumawag si ex-cabinet official, magte-text muna ito para humingi ng permiso kung pwede siyang tumawag. Kasi nga, ayaw niyang magkaroon ng bakas ang kanyang iligal na ginagawa.

Pero may impormasyon din pala si Hontiveros na hindi lang ito ang pumapadrino sa mga iligal na POGO kundi maging ang iba pang dating opisyal sa nakaraang administrasyon. Wow! Mas magiging kapana-panabik ang susunod na pagdinig ng Senado sa darating na Miyerkules, Hulyo 10, 2024 na magsisimula ng alas-10 ng umaga.

Maaaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.