UMAASA pa ang mga opisyal ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na mai-aapela pa rin nila sa Kongreso ang pagbabalik ng P10 milyon budget sa kada barangay na tatanggap ng Support to Barangay Development Program sa susunod na taong 2025.
Mano kasi, ang SBDP ang tinatawag na “game-changer” ng NTF-ELCAC para sa mga Geographically Isolated and Disadvantaged Areas o GIDAs na dati’y kinubkob ng mga komunistang-teroristang NPA.
Noon din kasing April, matapos ang NTF-ELCAC Executive Committee meeting, nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi dapat buwagin ang task force at nangako itong hahanapan niya ng paraan na makakuha ito ng P10M budget kada barangay na binabantayan para ‘di na bulabugin ng mga rebelde.
Nakita at nalaman kasi ni President Marcos na malaki talaga ang nagagawa nang ipinatutupad na SBDP ng NTF-ELCAC sa mga barangay na dating hawak ng mga NPA.
Sa 2025 SBDP budget, nailista ng NTF-ELCAC ang 870 barangays na dapat ay malaanan ng P10 milyong pondo para kahit papaano ay makagawa ng farm-to-market roads, school buildings, water at sanitation systems, health stations, rural electrification, at iba pang mga pangangailangan upang makapamuhay ng maayos ang mga naroroon.
Nabanggit nga ni NTF-ELCAC Deputy Executive Director at SBDP Action Officer Monico Batle, kumpiyansa silang maaprubahan at maibabalik nila P10 milyong budget.
Sa kasaysayan ng task force, noong una ang SBDP budget ay P20 milyon. Naging P10M ito, at noong 2022 ay naging P4M noong 2023,kaya nag-request ang NTF-ELCAC na maibalik man lang sa P10M pero ginawang P6M. Ang matindi, noon din 2023, ang P10M, ginawang P2.5M.
Kung ang plano nga naman o roadmap hanggang 2028 mula nang itinatag sa pamamagitan ng Executive Order No. 70 in 2018 ang NTF-ELCAC, mayroong higit-kumulang na 8,000 conflict-affected barangays ang dapat asikasuhin ng task force.
Kung matagumpay nga naman ang ating mga sundalo na linisin ang barangay na ito at maitaboy man lang ang mga rebelde, kailangang buhusan ito ng pondo para sa ikauunlad ng mga barangay. Doon makikita ng ating mga kababayan na talagang ‘di sila iniiwan ng pamahalaan.






