
MAY mga pangyayaring dapat bantayan at supilin nang husto ng Pilipinas at China.
Kasama rito ang mga krimeng nagaganap na sangkot ang mga Chinese bilang suspek at biktima.
KIDNAPPING FOR RANSOM
Sa dinami-rami ng mga Tsinoy at Chinese sa Pinas na tahimik na namumuhay, naghahanapbuhay at kaisa ng mga Pinoy at pamahalaan sa lahat ng gawain para sa kabutihan at dangal ng buong bansa, nasisingitan sila ng mga halang ang kaluluwa.
Halimbawa na lang ang pagpatay sa dalawang Chinese at Chinese-American na dumating sa bansa nitong Hunyo 20, 2024 para magnegosyo.
Sinalubong sila ng mga Chinese at nakausap pa nila ang mga kamag-anak ng dalawang bagong dating sa ating airport, ayon na rin sa pahayag ng Philippine National Police chief ng Public Information Office na si Colonel Jean Fajardo.
Kinabukasan, nagulat na lang ang mga kamag-anak ng mga hindi pinangalanang biktima na nanghihingi ng ransom ang mga sumalubong sa mga bagong dating.
Nasa P40 milyon o 5 milyong Chinese yuan ang hininging ransom ng mga hinayupak na kidnapper-for-ransom at naipadala ng mga kamag-anak ng mga biktima.
Pero mula sa araw na iyon, hindi na kumontak ang mga kriminal sa kamag-anak ng mga biktima.
Ang masaklap, mga Bro, pinatay pala ang mga biktima at itinapon ang kanilang bangkay sa isang bangin sa Sagnay, Camarines Sur.
Ngayon, kumikilos na ang ating pamahalaan para kilalanin at hanapin ang mga nagsagawa ng karumal-dumal na krimen at panagutin sa kanilang krimen.
Hiniling na rin ng China sa ating pamahalaan na tuloy-tuloy na pangalagaan ang mga mamamayan nito at sugpuin ang mga nagsasagawang krimen na Chinese rin.
Dahil sa mga gawaing ganito, anak ng tokwa, nadadamay tuloy ang magandang relasyon ng mga dayuhan, Tsinoy at Pinoy na sa katagalan ng panahon ay nagiging magkakasama, nag-aasawa sa isa’t isa at tahimik na naninirahan sa Pilipinas.
Sana malutas ang mga ganitong krimen sa madaling panahon.
Mabuti’t hindi bumibitiw at tuloy-tuloy ang mga ahensya ng pamahalaan sa pakikipaglaban sa mga transnational crime na maaaring kinabibilangan ng mga pinatay at itinapon sa Camarines Sur.
HINDI NAGPAPABAYA
Hindi nagpapabaya ang ating mga awtoridad, kasama ang Anti-Kidnapping Group ng Philippine National Police, laban sa mga kidnapper-for-ransom na mga Chinese o Tsinoy sa mga Chinese o Tsinoy rin ang biktima.
Nito nga lang nagdaang araw, may buntis na Chinese na sangkot sa KFR ang naaresto sa tinitirhan nitong condominium sa Pasay City sa pagkontak sa mga Chinese sa Pinas saka kikidnapin ang mga ito for ransom.
Nauna nang nahuli ang asawa nito at pareho na silang nasa kulungan.
Nitong nakaraang Mayo 19, 2024, may dalawang Chinese na bumiktima ng 30-year old na Chinese rin ang nadakip ng AKG sa Pasay City pa rin.
Sana, madakip na rin ang mga may gawa ng KFR na pumatay at nagtapon ng Chinese at Chinese American sa Camarines Sur.