Home HOME BANNER STORY Pilipinas nagpadala ng note verbale sa China sa water cannon incident sa...

Pilipinas nagpadala ng note verbale sa China sa water cannon incident sa WPS – PBBM

MANILA, Philippines – SINABI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipinadala ang note verbale kay Chinese Ambassador Huang Xilian kasunod ng pinakabagong insidente sa Ayungin Shoal kung saan hinarang at ginamitan ng water cannon ng China Coast Guard ang isang sibilyan na barko na inarkila ng militar para magdala ng suplay sa mga sundalong naka-istasyon sa BRP Sierra Madre sa bahagi ng Ayungin Shoal.

“The usual, ang ating Secretary of Foreign Affairs ay pinuntahan si Ambassador Huang ngayong araw at nagdala ng isa pang note verbale kasama na ang mga picture, mga video kung ano ang mga pangyayari at titingnan natin kung ano ang kanilang magiging sagot ngunit sa atin,” ayon kay Pangulong Marcos.

“Actually today, pagkatapos ng change of command ng sa CGPA ay magkakaroon kami ng command conference tungkol nga dito, on how we will respond,” dagdag na pahayag nito.

Tumanggi naman si Pangulong Marcos na talakayin pa ang operational aspects ng bagay na ito subalit tiniyak na ipagpapatuloy ng gobyerno ng Pilipinas na igiit ang territorial rights nito sa  West Philippine Sea.

Para naman sa Department of Foreign Affairs (DFA), ipinatawag nito si Huang para hayagang iprotesta ang naging pagkilos ng Chinese Coast Guard (CCG).

May ilang bansa naman gaya ng Estados Unidos, Australia, Japan, at Canada ang nagpahayag ng pagsuporta para sa Pilipinas at hayagang binatikos ang naging pagkilos ng Tsina.

Samantala, sa gitna ng panggigiit sa sovereign rights ng bansa, sinabi ni Pangulong Marcos na ipagpapatuloy ng bansa ang komunikasyon sa China upang makamit ang konklusyon sa pinagtatalunang katubigan.

“We continue to assert our sovereignty, we continue to assert our territorial rights in the face of all these challenges and consistent with the international law and UNCLOS especially… that is always been our stand but we still have to keep communicating with the Chinese government, with President Xi [Jinping], with Beijing because we really need to come to a conclusion,” ayon kay Pangulong Marcos.

“Ang nagiging position ng China siyempre sinasabi nila kami ang may-ari nito eh pinagtatanggol namin. Eh tayo naman sinasabi namin kami ang may-ari nito, pinagtatanggol namin, kaya’t yun ang nagiging gray area ngayon,” dagdag na wika nito.

Samantala, nagpasalamat naman ang Pangulo na walang nasaktan sa insidente.

“Buti naman walang nasaktan, walang injury, ngunit magkukulang ang supply na dinala sa Sierra Madre ngayon,” aniya pa rin. Kris Jose