Home SPORTS 2023 Philippine ROTC Games raratsada sa Agosto 13

2023 Philippine ROTC Games raratsada sa Agosto 13

MANILA, Philippines – Raratsada na sa susunod na linggo, Agosto 13, ang simula ng regional tournament para sa 2023 Philippine ROTC Games (PRG).

Unang gaganapin ang Visayas regional games ng PRG sa darating na ika-13 hanggang ika-19 ng Agosto sa Lungsod ng Iloilo.

Samantala, ang Mindanao leg ng nasabing palaro ay gaganapin sa Lungsod ng Zamboanga mula ika-27 ng Agosto hanggang ika-2 ng Setyembre, habang ang Luzon regional games naman nito ay gaganapin sa Lungsod ng Tagaytay sa Setyembre 17 hanggang 23.

Sa Lungsod ng Maynila at Pasig naman, gaganapin ang torneyo mula Oktubre 8 hanggang 14 at maging ang inaabangang national championships sa darating na ika-22 hanggang ika-27 ng nasabi ring buwan.

Ayon kay Senador Francis ‘TOL’ N. Tolentino na honorary chairman ng nabanggit na torneyo, ang mga palaro at kumpetisyon sa ilalim ng PRG ay magtatampok hindi lamang sa angking galing ng mga manlalaro sa iba’t ibang larangan ng palakasan sa ilalim ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) program, kundi, magpapalakas din sa ‘national pride’ ng kabataang Pilipino.

Ang mga kalahok sa darating na PRG ay pawang mga mag-aaral na kasalukuyang naka-enrol sa iba’t ibang higher education institutions (HEIs) at isa-isang pinili ng mga ROTC Unit ng kolehiyo o pamantasan na kanilang kinaaaniban.

Ang mga kasali sa inaabangan torneyo ay kabilang sa iba’t ibang ROTC Units mula tatlong pangunahing sangay ng Armed Forces of the Philippines—ang Army, Air Force, at Navy. Pangunahing layunin ng PRG na himukin ang kabataan na pumasok sa ROTC program at kalaunan ay makipagtagisan ng galing sa larangan ng isports, ayon kay Tolentino.

Ang Philippine Sports Commission (PSC) ang ahensya na inatasang mamahala sa nasabing torneyo at pumili ng mga atletang may potensyal upang sanayin pa nang husto sa ilalim ng national sports associations (NSAs).

Ang mga magwawagi sa regional games ng PRG ay kakatawanin ang bawat sangay ng AFP kung saan sila kabilang sa paparating na national championships. RNT

Previous articlePilipinas nagpadala ng note verbale sa China sa water cannon incident sa WPS – PBBM
Next articleSEN. GO: FPRRD, PBBM kapwa hangad kapakanan ng ‘Pinas