Home NATIONWIDE SEN. GO: FPRRD, PBBM kapwa hangad kapakanan ng ‘Pinas

SEN. GO: FPRRD, PBBM kapwa hangad kapakanan ng ‘Pinas

MANILA, Philippines – INIHAYAG ni Senador Christopher “Bong” Go na ang dayalogo nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at incumbent President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ay nagmarka ng isang pambihirang okasyon sa pagsasama ng dalawang lider mula sa magkaibang administrasyon.

Sa isang panayam, idiniin ni Go ang kahalagahan ng nasabing pagpupulong sa relasyong panlabas ng bansa at domestic political landscape.

Matatandaang kagagaling lang ni Duterte sa isang personal na biyahe sa China kamakailan, kung saan nabigyan siya ng pagkakataong makausap si Chinese President Xi Jinping.

Bilang dating presidente na may malaking obligasyon sa bansa, pumunta si Duterte kay Pangulong Bongbong Marcos para i-report kung ano ang napag-usapan nila ni Xi at kung ano ang makatutulong sa ating bansa.

“Isinama lang po ako ni dating Pangulong Duterte sa pulong nila ni Pangulong Bongbong Marcos. Sa pagkakaalam ko ang napag-usapan nila ay tungkol doon sa pagbisita ni former president sa China kung saan po ay naimbitahan siya sa inagurasyon ng building na ipinangalan po sa kanyang yumaong nanay, si Soledad Duterte,” sabi ni Go.

Binigyang-diin ni Go na mahalaga ang gayong mga diyalogo dahil patuloy nitong pinamalalakas ang pamamahala sa bansa at nagbibigay-daan din sa pagpapalitan ng mahahalagang karanasan at karunungan sa pagitan ng dalawang pinuno.

Idinagdag niya na pinahahalagahan ng Pilipinas ang relasyon nito sa China habang itinataguyod ang mga karapatan nito sa soberanya at nagpapatuloy na rules-based approach sa paghawak ng mga alitan sa West Philippine Sea.

“I’m sure interest po ng Pilipino ang uunahin ni (dating) Pangulong Duterte sa kanyang pakikipagpulong sa Tsina. Kung ano po ang atin ay kanyang ipinaglalaban parati yan. Interes ng Pilipino — yun po ang dapat nating ipaglaban. Ang atin ay atin. Kung ano ang atin ay atin,” ani Go.

Ayon sa senador, nagagalak siya at si dating Pangulong Duterte na ang bumisita kay Pangulong Marcos para mag-usap.

“Dati pa namang magkaibigan po sila… kung ano po ang detalye (ng pag -uusap nila), hayaan na nating ang Palasyo ang magpahayag nito.”

Kasunod din ng pagbisita ni FRRD sa China, nagmungkahi si Senator Alan Peter Cayetano na nagsilbing kalihim ng Department of Foreign Affairs sa ilalim ng administrasyong Duterte, na pupuwedeng italaga ang dating Pangulo bilang isang special envoy sa China dahil sa positibong kaugnayan niya kay President Xi.

Ang kapasidad umano ni Duterte na makuha ang tiwala ng gobyerno ng China at ng mamamayang Pilipino ay maaaring maging angkop na opsyon kung nanaisin ni Marcos. RNT