Home NATIONWIDE Pilipinas nananatiling committed sa Interpol-Remulla

Pilipinas nananatiling committed sa Interpol-Remulla

MANILA, Philippines – Hindi na miyembro ng International Criminal Court (ICC) ang Pilipinas ngunit mayroon hiwalay na pangako ang bansa sa International Criminal Police Organization (Interpol) na malaking tulong upang protektahan ang milyong Filipino sa buong mundo.

Ito ang tugon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa naging pahayag ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na kumuwestyon sa kanya at kay Solicitor General Menardo Guevarra kung kinokontra nito ang polisiya mismo ni Pangulong Marcos hinggil sa usapin ng ICC.

Nilinaw ng kalihim na ibang usapin ang sa Interpol na nananatili ang commitment ng Pilipinas.

“Ang Interpol may commitment tayo tsaka far-reaching yan kailangan natin tandaan na there are more than 10 million Filipinos going around the world right now na baka kailangan ng tulong ng Interpol,” ani Remulla.

Dahil dito, pinapahalagahan aniya ng bansa ang Interpol dahil kailangan protektahan ang mga Pilipino.

Magugunita na nitong Lunes, pinuna ni Dela Rosa ang pahayag nitong Agosto 1 ni Remulla na hindi haharangin ang anumang arrest warrants na ipatutupad ng Interpol sa usapin ng “drug war” case ng ICC.

Ipinaliwanag ni Remulla na kahit hindi na kasapi ang Pilipinas sa ICC, bahagi pa rin ang bansa sa Interpol na nagsasagawa ng worldwide police cooperation at crime control. Teresa Tavares