MANILA, Philippines – Natanggap na ng Pilipinas ang nasa 500,000 doses ng pentavalent vaccines na kayang pumrotekta sa limang sakit kabilang na ang pertussis o whooping cough.
Ayon sa Department of Health (DOH), dumating ang mga bakuna sa bansa ngayong buwan at kasalukuyang nasa cold storage habang isinasapinal pa ng paperwork at maipamahagi ng pamahalaan sa mga health center sa buong bansa.
Bukod sa pertussis, kaya rin ng bakuna na magbigay ng proteksyon laban sa diphtheria, tetanus, hepatitis B, at haemophilus influenzae type b.
Hindi naman tinukoy ng DOH kung saan galing ang mga bakuna ngunit inanunsyo rin na may karagdagan pang 750,000 doses nito na posibleng dumating sa susunod na linggo.
Ani Health Secretary Teodoro Herbosa, inatasan na niya ang mga unit ng DOH na siguruhin ang mabilis na paghahatid ng mga bakuna sa government health centers.
Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bagamat bumababa na ang kaso ng pertussis, dapat pa ring magpatuloy ang routine vaccination upang maiwasan ang panibagong paglobo ng mga kaso nito.
Sa report, sinabi ng DOH na bumaba na ang naitatalang kaso ng pertussis mula Hulyo sa nasa 50 kaso kada linggo, o mula 300 kaso kada linggo noong Abril. RNT/JGC