Home NATIONWIDE Work permits ng POGO iniklian ng PAGCOR, ‘gang Dec. 31, 2024 na...

Work permits ng POGO iniklian ng PAGCOR, ‘gang Dec. 31, 2024 na lang!

MANILA, Philippines – Pinaikli na ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang validity ng employment permits na inisyu sa foreign at Filipino workers sa
Philippine offshore gaming operators (POGOs) sector na hanggang sa pagtatapos na lamang ng taon.

Sa anunsyo, sinabi ng PAGCOR na inaprubahan ng Board of Directors nito ang adjustment sa validity ng permit ng mga POGO worker o Offshore Gaming Employment License (OGEL).

Para sa Filipino OGEL holders, ang orihinal na validity ay “three years from issuance,” na pinaikli na lamang hanggang Disyembre 31, 2024.

Para naman sa mga dayuhan, ang kanilang OGEL na orihinal na mapapaso “until the validity of the work visa or work permit issued to employee,” ay inadjust din hanggang sa katapusan ng 2024 o “until the validity of the work visa or permit issued to the employee, whichever comes first.”

Sa ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo, matatandaan na inanunsyo niya ang pagbabawal sa lahat ng POGO sa bansa dahil sa kabi-kabilang krimen na kinauugnayan nito.

Binigyan ng Pangulo ang PAGCOR nang hanggang katapusan ng taon para mapaalis ang mga ito sa bansa.

Samantala, nagsimula na rin ang Bureau of Immigration sa pag-downgrade ng working visa ng POGO employees patungong tourist visa. RNT/JGC