MANILA, Philippines – Hinimok ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na muling suriin ang posisyon ng bansa kaugnay sa International Criminal Court (ICC) at ikonsidera ang muling pagsali rito.
Ang panawagan ni Pimentel ay sa harap ng mga miyembro ng diplomatic community kasabay ng isang foreign policy address sa Department of Foreign Affairs nitong Biyernes, Nobyembre 8.
Sinabi ng senador na magsisilbing “insurance policy” ang muling paglahok sa ICC laban sa posibleng pang-aabuso ng mga lider at sa oras na pumalya ang justice system.
“Let us rejoin the ICC. We should treat this as our ‘insurance policy’ just in case ‘our system’ fails us and we get to elect an abusive, tyrannical, heartless leader, and our justice system fails us too,” sinabi ni Pimentel sa kanyang speech.
Matatandaan na noong 2018 ay inanunsyo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkalas ng Pilipinas sa ICC matapos sabihin ng tribunal noong 2017 na magsasagawa ito ng imbestigasyon kaugnay sa kanyang anti-drug campaign.
Ipinunto ni Pimentel na ang paglahok sa ICC ay isang executive action, at na kay Marcos na ang bola kung ito ay muling lalahok.
Samantala, sa sidelines sinabi ni Pimentel na ang kanyang panukalang muling paglahok ng Pilipinas sa ICC ay magsisilbi ring seguridad ng mga Filipino laban sa “killer” at “tyrannical” leader.
“We are monitoring the Quad Com, and here in the Senate, we also have an investigation. We’ve seen that in the worst-case scenario where our systems fail, such as when our democratic system elects a killer as a leader, one without conscience or compassion, and our justice system is slow to respond. In those events, it’s best to have an ‘insurance policy,’” aniya.
Noong Pebrero, nanindigan si Marcos na hindi niya kikilalanin ang hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas. RNT/JGC