MANILA, Philippines – Nanawagan si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III nitong Huwebes, Pebrero 1, sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na itigil ang pilot testing ng “e-lotto” o ang digital version ng lottery games.
Sa panayam sa radyo, sinabi ni Pimentel na dapat munang suriin ang mga feature ng bagong lunsad na e-lotto sa gitna ng mga posibleng panganib.
“Pinapadali ba nito na mag-place ng multiple bets or posible ba na dahil sa computer system na ma-cover mo lahat ng combinations? Matayaan mo lahat ng combinations? Kasi pwede mong i-compute ‘yun eh, pwede ka na ring mag-risk doon,” aniya pa.
“Kailangan maintindihan natin ito. Kaya ‘yan pilot testing nila, kung pwede ihinto na rin po ‘yan,” dagdag pa ng senador.
Noong Disyembre 2023 nang simulan ng PCSO ang pilot test ng e-lotto—isang digital lottery platform na naka-target na gawing maginhawa at accessible ang pagtaya para sa mga Pilipino.
Kasalukuyang available ito sa website ng PCSO at maaaring i-download sa mga android device.
Sa kabilang banda, binigyang-diin naman ni PCSO General Manager Melquiades Robles na ang PCSO “ay tungkol sa transparency.”
Sa pagdinig ng Senate Committee on Games and Amusement noong nakaraang linggo, itinanggi ni Robles na maaaring manipulahin ng PCSO ang resulta ng lotto.
Inanyayahan din ni Robles ang mga senador na obserbahan ang mga proseso tungkol sa pagsasagawa ng lotto draws upang “mabura ang anumang pagdududa tungkol sa integridad ng mga resulta.” RNT