MANILA, Philippines – Naitala ng Metro Manila ang pinakamababang temperatura ngayong northeast monsoon o “amihan” sa 19.2 degrees Celsius noong Huwebes, Enero 29, ayon sa PAGASA.
Ang sukatan ay naitala sa Science Garden monitoring station sa Quezon City, mas mababa kaysa sa 19.6°C na naobserbahan noong Enero 22. Ang pinakamalamig na temperatura sa kasaysayan ng Metro Manila ay 14.5°C na naitala noong Enero 11, 1914 sa Port Area.
Iba pang lugar na nagtala ng mababang temperatura sa madaling araw ay Baguio City, Benguet (12.4°C); Basco, Batanes (18°C); Tanay, Rizal (18.2°C); Malaybalay, Bukidnon (18.6°C); Sinait, Ilocos Sur (19.2°C); Laoag City, Ilocos Norte (19.3°C); Abucay, Bataan (20.1°C); Calayan, Cagayan (20.1°C); at Mulanay, Quezon (20.1°C).
Ayon kay PAGASA weather specialist Chenel Dominguez, magpapatuloy ang malamig na kondisyon sa ilang bahagi ng bansa dahil sa amihan.
“Sa susunod na 24 oras, magdudulot ang amihan ng maulap na kalangitan na may magagaan na pag-ulan sa Cagayan Valley, Aurora, at Quezon.
Inaasahang makakaranas ng partly cloudy hanggang maulap na kalangitan na may hiwa-hiwalay na magagaan na pag-ulan ang Metro Manila at karamihan sa Visayas,” sabi niya.
Maaari ring makaranas ng hiwa-hiwalay na pag-ulan o thunderstorms ang Mindanao, Eastern Samar, Leyte, at Southern Leyte. Wala ring low-pressure area o tropical cyclone na minomonitor sa loob o labas ng Philippine Area of Responsibility. Santi Celario