MANILA, Philippines – Ipinagbigay-alam ng Pamahalaang Lungsod ng Parañaque ang pansamantalang pagsasara ng kalsada sa Enero 31 para sa Caracol Procession, na magbubukas sa Buen Suceso Jubilee Activities at Buen Suceso Youth Day 2026.
Ayon kay Mayor Edwin Olivarez, inaasahang maaga ang pagdating ng mga deboto at kabataan sa Sta. Monica Church, kung saan magsisimula ang prusisyon ng Nuestra Señora del Buen Suceso. Dadaan ang ruta sa Quirino Avenue papuntang San Dionisio Chapel.
Bilang bahagi ng kaganapan, isasara ng Traffic and Parking Management Office (TPMO) ang Quirino Avenue mula Sta. Monica Church hanggang San Dionisio Chapel mula 7:00 a.m. hanggang 8:00 a.m.
Pinapayuhan ang mga motorista na gumamit ng alternatibong ruta upang maiwasan ang trapiko at masiguro ang maayos at ligtas na daloy ng prusisyon. Kilala ang Caracol Procession sa makulay nitong musika, ritmikong hakbang, at pagdiriwang ng pananampalataya at pagkakaisa. RNT