Home OPINION PINAKAMASAMANG KALAGAYAN SA AGRIKULTURA PAGHANDAAN

PINAKAMASAMANG KALAGAYAN SA AGRIKULTURA PAGHANDAAN

UMIIRAL ang napakasasamang kondisyon na maaaring maglagay sa ating bansa sa alanganing sitwasyon o krisis sa agrikultura na maaaring magbunga ng gutom at kahirapan sa mga Pinoy.

SA LOOB NG PINAS

Makaraan ng mga bagyong Egay at Falcon, katotohanan na nakaamba pa ang mga kalamidad mula sa mga bagyo, baha, habagat at El Niño.

Para malinaw, tiyak na may darating pang nasa 14 bagyo sa Pinas hanggang Disyembre at kitang-kita natin kung paano sirain ng mga ito ang ating mga pananim na palay, mais at iba pa sa malalakas na hangin nito at malalaking baha.

Katriplet nito ang tag-ulan at habagat na kung magpaulan at magpabaha ay gayun na lamang.

Sa huling tatlong buwan ng 2023, sasalakay naman ang El Niño at magtatagal ito hanggang Marso-Abril 2024.

Kapag nagawa ng El Niño na patuyuin at pagbitak-biakin ang ating mga kalupaan, gudbay na ang ani sa palay at mais.

Tinutuyo ng El Niño ang mga ilog at dam na pinagkukunan ng tubig at kasunod nito ang pagkasira ng palay, mais at iba pang mga pananim.

Pumapatay rin ng mga pananim mismo ang init ng El Niño na nagdadala rin ng heat wave na delikado rin sa tao o peste sa mga alagang hayop gaya ng mga manok at isda.

ALANGANING IMPORTASYON

Ang India, ipinagbabawal sa ngayon ang export ng kanilang bigas habang nasiraan nang husto ng mga produktong bigas at trigo ang China sa bagyong Egay at Falcon.

At alam ba ninyong importer tayo ng trigo mula sa Ukraine na tumigil sa pag-e-export dahil sa giyera nito sa Russia?

Maaapektuhan na nga tayo ng suplay ng trigo mula sa Ukraine at Russia, apektado pa tayo ng rice export ban ng India at pakikipag-agawan ng China sa bilihan ng bigas sa ibang mga bansa gaya ng Thailand at Vietnam.

MATAAS NA BILIHIN

Dahil sa giyerang Russia at Ukraine na nagpahinto ng malaking suplay ng trigo o wheat na panggawa ng mga tinapay, napakamahal na ang trigo at kasunod nito ang pagmamahal ng mga tinapay.

Pinangangambahan na rin ang pagmamahal ng bigas sa buong mundo na kung mag-import tayo, magmamahal din sa Pinas.

Siyempre pa, kasama sa malaking dahilan ng pagmamahal ng nasabing mga produkto ang pagsaamantala ng mga negosyante na importer.

Sa bigas at trigo, mga pribadong kompanya o indibiduwal na ang nag-iimport at kakaunti ang partisipasyon ng National Food Authority.

Kapag nagsama ang krisis sa suplay ng mga pagkaing bigas at trigo, asahan na natin ang pagmamahal ng mga ito na dagdag na dahilan ng gutom at paghihirap sa Pinas.

Ano-ano na ang mga paghahanda, lalo na ang pamahalaan, laban sa mga posibleng krisis sa suplay at pagmamahal ng presyo ng nasabing mga produkto, kasama ang mga karne, isda at iba pa?