Home OPINION PINAKAMATAAS NA “DIVIDEND PAY-OUT” NAITALA NG PAG-IBIG FUND

PINAKAMATAAS NA “DIVIDEND PAY-OUT” NAITALA NG PAG-IBIG FUND

SA ulat ng chairperson para sa taong 2024 ni Secretary Jose Rizalino Acuzar ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na ginanap sa Philippine International Convention Center (PICC) noong Pebrero 27, 2028, idineklara ang kabuuang Php 55.65 bilyong dibidendo para sa taong 2024, na siyang pinakamalaking pamamahagi sa 44-taong kasaysayan ng ahensya.

Bilang resulta, tumaas ang dividend rates para sa Regular Savings sa 6.6 porsyento, ha­bang ang Modified Pag-IBIG 2 (MP2) Savings ay nagtala ng 7.1 porsyentong kita, na nagbigay ng benepisyo sa milyon-milyong manggagawang Pilipino na nagtitiwala sa kanilang ipon sa Pag-IBIG Fund.

Sa halos limang dekada, pa­tuloy na binibigyan ng pagkaka­taon ng institusyon ang mga in­dibidwal at pamilya na makakuha at makapagtayo ng sariling tahanan sa pamamagitan ng sis­temang nakabatay sa tiwala, integridad, at sama-samang pag-unlad.

Itinampok sa Ulat ng Tagapangulo 2024 kung paano pinalago ng ahensya ang mga kontribusyong ipinagkatiwala ng mga miyembro, na tumutulong sa kanila upang matupad ang pangarap nilang sariling bahay.

Binibigyang-diin din nito ang pa­tuloy na pagsisikap ng ahensya na lumikha ng isang matatag, ligtas, at inklusibong Pag-IBIG Fund na sumusuporta sa mga komunidad at nagsusulong ng financial inclusion para sa lahat ng Pilipino, alinsunod sa Bagong Pilipinas na adbokasiya ng admi­nistrasyong Marcos.

Nagtala ng panibagong ta­gum­pay ang Pag-IBIG Fund noong 2024, kung saan umabot sa Php 67.52 bilyon ang netong kita nito, isang pagtaas ng 36 porsyento mula sa Php 49.79 bilyon noong 2023.

Naabot din ng ahensya ang makasaysayang tagumpay ng pagsapit sa Php 1 trilyon sa kabuuang ari-arian, na nagtapos sa Php 1.069 trilyon, isa pang record-high para sa institus­yon.

Bilang chairperson ng board of trustees ng Pag-IBIG Fund, binigyang-diin ni Secretary Acuzar ang matatag na estado ng pananalapi ng ahensya.

Naabot nito ang pinakama­taas na tala sa kabuuang ari-­arian at netong kita, na direk­tang nagpakinabang sa mga mi­­yembro sa pamamagitan ng Php 55.65 bilyong dibidendo.

Ang halagang ito ay 82.71 porsyento ng netong kita ng ahensya, na lumampas sa 70 porsyentong kinakailangang di­bidendo ayon sa batas.
Sa mga tagumpay na ito, pa­tuloy na pinagtitibay ng Pag-IBIG Fund ang dedikasyon nito sa pag­bibigay ng financial security at mga oportunidad sa pabahay para sa milyon-milyong miyembro nito sa buong bansa.

Mayroong 16.37 milyong aktibong miyembro ang ahensya sa kasalukuyan.