Home OPINION PINAKIKINABANGAN NG GOBYERNO O PERWISYO SA TAO?

PINAKIKINABANGAN NG GOBYERNO O PERWISYO SA TAO?

PAANO kaya titimbangin ng administrasyon ang pakinabang na nakukuha ng gobyerno sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO? At paano rin susukatin ang perwisyong idinudulot nito hindi lamang sa kaayusan at katahimikan , kundi sa buhay at ari-arian ng mga nagiging biktima?

Sa ngayon, hindi na POGO ang tawag dito kundi IGL o Internet Gaming Licensee matapos itong palitan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation noong nakaraang taon dahil sa tumaas na insidente ng karumal-dumal na karahasan na idinulot nito sa bansa simula pa nang magkaroon ng pandemia.

Kabilang sa mga krimen na kinasasangkutan ng mga POGO na kinakaharap ng lahat ng mga law enforcement agency tulad ng Philippine National Police at kanilang mga sangay, National Bureau of Investigation at iba pa na pinapangunahan siyempre ng Presidential Anti-Organized Crime Commission o PAOCC na pinamumunuan ni Undersecretary Gilbert Cruz ang kidnapping for ransom, torture, extortion, money laundering, prostitusyon, at iba pa na karaniwang sangkot ay mga Chinese.

Aminado si PAGCOR Chairman Alejandro Tengco na pinalitan nila ang pangalan ng POGO dahil sa iba’t-ibang uri ng krimen na kinasasangkutan nito na umani ng negatibong reaksyon, hindi lamang sa publiko kundi sa mga mambabatas.

Katunayan, nang magsagawa ng pagdinig ang Mababang Kapulungan ng Kongreso, sinang-ayunan ng House Committee on Games and Amusements ang panukalang ipagbawal na at ideklarang iligal ang operasyon ng POGO.

Ganito rin ang pananaw ng ilang senador dahil sa kanilang paniwala na hindi sapat ang malaking halagang naia-ambag nito sa kaban ng bayan kumpara sa idinudulot na krimen na sa kasalukuyan ay nais nilang maideklarang banta sa seguridad ng bansa.

Nito nga lang Biyernes at Sabado, muling sinalakay sa bisa ng search warrant ng PAOCC, kasama ang PNP ang pinakamalaking POGO hub sa Porac, Pampanga, dalawang araw bago nila una itong salakayin pero naudlot nang bawiin ng husgado ang unang inilabas na search warrant.

Nagkaroon tuloy ng pagkakataon ang maraming Chinese national na hinihinalang nasa likod ng mga iligal na aktibidad sa naturang POGO dahil sa pagbawi sa search warrant.

Kung hindi sana binawi ang search warrant, nagtuloy-tuloy na ang paghahalughog sa napakaraming gusali at maililigtas ang mas maraming biktima kasabay ng pagkakadakip sa mga dayuhang nasa likod ng iligal na aktibidad.