Home NATIONWIDE Pinas kailangang mangutang ng P4B kada araw sa pagtustos sa P5.768T 2024...

Pinas kailangang mangutang ng P4B kada araw sa pagtustos sa P5.768T 2024 budget – Recto

MANILA, Philippines- Para tustusan ang 2024 proposed national budget na nasa P5.768 trilyon ay kinakailangan na mangutang ang bansa ng P4 bilyon kada araw, ayon kay House Deputy Speaker at Batangas Rep. Ralph Recto.

Sa pagtataya ni Recto na isang ekonomista, kung P15.8 bilyon kada araw ang gastos ng bansa ay nasa P11.7 bilyon lamang ang kayang pondohan ng buwis kaya malinaw na hahagilapin pa ang P4 bilyon para tustusan ang kakulangan kaya kailangan umanong mangutang.

“To fully grasp the dimensions of the budget, you have to compute it on a daily basis, to fully appreciate the enormity of both spending and borrowings. In easy to remember figures, this is the lowdown: Gagasta ng P15.8 billion bawat araw. Ngunit P11.7 billion lang ang kayang pondohan ng buwis. Kaya may P4 bilyon na dapat utangin. Kada 24 oras. Kung base naman sa actual na disbursements, mga P3.7 billion ang pang-araw-araw na gastusin ang kailangang punuan,” paliwanag ni Recto.

Ani Recto, ang P11 bilyon kada araw na buwis ay mula sa revenue ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) na nasa P8.3 bilyon at P2.7 bilyon kada araw.

Ang P5.768-trillion National Expenditure Program para sa 2024 ang siyang pinakamataas na budget na hiniling ng Executive Branch sa Kamara.

Ang budget deliberations ay nakatakdang simulan ng Kongreso sa susunod na linggo. RNT/SA