Home NATIONWIDE Pinas madedehado sa planong joint oil at gas exploration sa Tsina –...

Pinas madedehado sa planong joint oil at gas exploration sa Tsina – Carpio

189
0

MANILA, Philippines — Nagbabala si retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na maaaring maging dehado ang Pilipinas sa planong joint oil at gas exploration kasama ang China sa West Philippine Sea.

Sa kanyang pagbisita sa Pag-asa Island, sinabi ni Carpio na ang ganitong kasunduan ay maaaring magbigay-daan sa pananaw ng China na sila ang may kontrol sa likas na yaman sa pinagtatalunang karagatan.

“Joint development is a trap because joint development means, you go to the website of China, it says joint development means China owns the gas, the oil, all the natural resources,” ani Carpio.

“China has the sovereign rights. That’s from the point of view of China. So why will we accept that?” dagdag niya.

Dumalo si Carpio sa groundbreaking ng isang simbahang Katoliko sa isla, na ikalawa niyang pagbisita mula nang ihahanda pa lamang noon ang kaso ng Pilipinas laban sa nine-dash line ng China.

Ipinakita rin ng Philippine Coast Guard kay Carpio ang mga istrukturang itinayo ng China sa Panganiban Reef na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas, gayundin ang presensya ng Chinese maritime militia vessels sa Sabina Shoal.

Nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bukas siya sa muling pakikipag-usap sa Beijing para sa joint energy exploration sa South China Sea.

Ayon naman kay Foreign Affairs Secretary Maria Theresa Lazaro, wala pang kasalukuyang joint exploration ngunit maaari itong mangyari sa hinaharap.

“Not at this point in time, but it may be forthcoming,” aniya.

Sinabi ng Chinese Embassy sa Maynila na may “positive progress” ang usapin at nagkaroon ng “in-depth discussions” sa pagitan ng dalawang bansa.

Samantala, muling nagkaroon ng pag-uusap ang Pilipinas at China sa ilalim ng ika-11 Bilateral Consultation Mechanism sa Fujian kung saan tinalakay ang mga isyu sa West Philippine Sea at ang Code of Conduct.

Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary for Policy Leo M. Herrera-Lim, nananatiling exploratory ang usapan.

“Exploratory lang at best kung papayag sila na explore namin na mag-exchange ng views on potential values for cooperation, exchange of views on ‘yung impact ng prices sa Middle East, areas for cooperation,” ani Herrera-Lim.

Nanatiling sensitibo ang usapin ng joint exploration dahil sa isyu ng soberanya at magkakapatong na territorial claims.

Patuloy na iginigiit ng China ang kontrol sa malaking bahagi ng South China Sea sa kabila ng desisyon ng international tribunal noong 2016 na nagsabing “no legal basis” ang kanilang claim—isang pasyang hindi kinikilala ng Beijing. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here