MANILA, Philippines- Naharang ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Pinay sa NAIA Terminal 3 noong Disyembre 30 matapos mabuking na peke ang kanyang Overseas Employment Certificate (OEC).
Ayon sa BI, ang naghahangad na maging overseas worker ay isang 27-anyos at patungo sana sa Hong Kong na may connecting flight papuntang Malaysia.
Napag-alaman na unang nagpakilala ang Pinay bilang isang overseas Filipino worker (OFW) at nagsumite ng OEC bilang bahagi ng kanyang mga kinakailangan sa paglalakbay.
Gayunman, nakita ng pinagsamang sistema ng BI at Department of Migrant Workers (DMW) na hindi nakarehistro ang kanyang OEC.
Sa isinagawang pagberipika ng DMW, kinumpirma nila na ang dokumentong ipinakita ng Pinay ay peke at inisyu sa ilalim ng pangalan ng ibang tao.
Sa pagtatanong, inamin ng pasahero na hiniling niya sa isang kaibigan na iproseso ang OEC sa ngalan niya. Ini-refer siya ng kaibigan sa isang indibidwal na nakilala niya sa Parañaque, kung saan siya nagsumite ng kanyang mga dokumento at nagbayad ng humigit-kumulang P10,000 para makuha ang pekeng dokumento.
“The use of our joint verification system with the DMW has proven crucial in detecting fraudulent documents. The BI remains committed to protecting Filipinos by intercepting such attempts to use fake OECs,” ani BI Commissioner Joel Anthony Viado Viado.
“I strongly urge the public to process their documents through proper channels to avoid falling victim to scams,” dagdag pa ng opisyal.
Ang pasahero ay inendorso sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang imbestigasyon at pagsasampa ng mga kaso laban sa kanyang recruiter.
Pinaalalahanan ng BI ang mga nais maging OFW na iwasan ang mga shortcut at hindi awtorisadong intermediaries dahil laganap umano mga scam na kinasasangkutan ng mga pekeng OEC.
Inirerekomenda ni Viado na iberipika ng mga OFW ang mga alok na trabaho sa DMW na maaari nilang matanggap upang matiyak ang kanilang proteksyon. JR Reyes