Home HOME BANNER STORY Pinay patay matapos itulak ng palaboy sa tren sa San Francisco

Pinay patay matapos itulak ng palaboy sa tren sa San Francisco

NEW YORK – Patay ang isang 74-anyos na Pinay sa California matapos itulak ng isang palaboy habang naghihintay ng tren sa BART Powell Station sa San Francisco.

Kinilala ang biktimang si Corazon Dandan, na dinala pa sa San Francisco General Hospital pero kalaunan ay namatay dahil sa natamong pinsala sa ulo.

Ayon sa BART Police, itinulak ng suspek ang biktima habang papalapit ang tren, dahilan para tumama ang ulo ng biktima sa umaandar na tren bago ito nahulog sa platform.

Agad namang inaresto ang suspek na kinilalang si Trevor Belmont, alyas Hoak Taing at sasampahan ng kasong murder at elder abuse.

Si Dandan ay isang telephone operator sa Parc 55 Hotel sa Union Square at pauwi na sana sa Daly City nang mangyari ang pag-atake bandang alas-onse ng gabi noong Lunes.

Bagama’t nagretiro, pinili ng biktima na ipagpatuloy ang pagtatrabaho.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang pamilya ni Dandan habang pinoproseso pa nila ang trahedya na sinapit ni Corazon.

Humiling din ang pamilya ng privacy habang sila ay nagdadalamhati.

Kinondena ng Filipino community sa San Francisco, California, ang insidente at nanawagan ng mas mahigpit na seguridad sa lahat ng pampublikong lugar. RNT