MANILA, Philippines- Isang Pilipina ang kabilang sa limang nasawi sa sunog sa isang residential building sa Sharjah, United Arab Emirates (UAE), noong nakaraang linggo, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) nitong Martes.
Sinabi ni DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac na ang asawa ng biktima, isang overseas Filipino worker (OFW), ay nasa kritikal na kondisyon dahil sa insidente.
“Sa ngayon, patuloy natin siyang pinagdadasal kasi critical ang kanyang condition. At yun nga nasawi iyong kaniyang asawa. Yung nasa ICU na critical condition, siya ang OFW and minamanmanan natin ang kaniyang sitwasyon,” pahayag niya sa isang panayam.
Sinisikap na ng pamahalaan ng Pilipinas na maiuwi ang bangkay ng nasawing Pilipino. Magbibigay din ng financial at legal assistance sa OFW na nasa kritikal na kalagayan.
Ani Cacdac, 11 Pilipino ang nasa residential building nang maganap ang sunog. Ayon sa ulat, 10 Pilipino ang kabilang sa halos 40 sugatan sa pagliyab.
Kasalukuyang nananatili ang 11 apektadong Pilipino sa isang hotel at ligtas na, base kay Cacdac. RNT/SA