MANILA, philippines – Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga filipino na isabuhay ang kagitingan sa bawat tamang desisyon, sa bawat pagtulong sa kapwa, at sa bawat paninindigan sa tama.
“Ngayong araw, inaalala natin ang tapang at sakripisyo ng mga Pilipinong tumindig para sa ating kalayaan,” ang sinabi ng Pangulo sa kanyang kalatas ngayong araw ng Huwebes, Abril 9, 2026 kung saan ipinagdiriwang ang ika-84 Anibersaryo ng Araw ng Kagitingan na may temang “Giting ng Bayan, Pamana sa Salinlahi”.
“Maaaring iba na ang mga hamon natin ngayon, ngunit hindi nagbabago ang kailangan upang tayo ay manaig: malasakit, pagkakaisa at pagmamahal sa bansa,” ang sinabi ng Pangulo.
Binigyang diin din ng Pangulo na ang tunay na lakas ng bansa ay hindi nasusukat sa panahon ng digmaan kundi sa kung paano ito tumayo, nanindigan at naging masigasig bilang bansa.
“Sa Bataan at Corregidor, pinatunayan nila na ang tunay na bayani ay hindi sumusuko sa kabila ng pagod, hirap, at pagdadalamhati,” ang winika ng Pangulo.
“Ang kanilang kabayanihan ay hindi lamang bahagi ng ating kasaysayan. Ito ay buhay na paalala na ang diwa ng kagitingan ay nananatili sa bawat Pilipinong patuloy na nagsusumikap at bumabangon para sa kanilang pamilya at sa bayan,” aniya pa rin.
“Sama-sama nating ipagpatuloy ang adhikain ng kagitingan sa araw-araw nating pagpili na maging mabuting Pilipino upang makamit natin ang isang Bagong Pilipinas,” ang pahayag ng Pangulo. (KRIS JOSE)