KINGSTON UPON HULL, United Kingdom- Nagtungo sa korte ang nahaharap sa kasong gross negligence manslaughter na Russian captain ng isang cargo ship na bumangga sa isang tanker sa North Sea off sa northeastern coast ng UK nitong Sabado.
Humarap si Vladimir Motin, 59, sa mga hukom sa port of Hull. Hindi siya naghain ng plea, at muling haharap sa Old Bailey sa London sa April 14.
Nadakip si Motin, mula sa Primorsky, St Petersburg, noong Lunes, matapos mabangga ng kanyang barko, ang Portuguese-flagged Solong, ang fuel-laden tanker Stena Immaculate, dahilan upang magliyab ang dalawang vessels.
Nauna nang sinabi ng Humberside Police na nagsagawa ng “extensive searches” ang HM Coastguard upang matunton ang nawawalang crew member mula sa Solong.
Kinilala ang crew member ng state prosecutors na si Mark Angelo Pernia, isang 38-anyos na Filipino, na hinihinalang nasawi, batay sa mga pulis.
Nakaangkla ang US-flagged tanker, chartered ng US military, sa baybayin ng Hull sa northeastern England nang maganap ang insidente.
Binigyan ang mga pulis ng dalawang extensions noong Miyerkules at huwebes upang bigyan ng mas mahabang oras upang kuwestiyunin ang kapitan dahil sa “the complexities of the incident”, base sa Humberside police force.
Naglunsad na ng imbestigasyon sa pangunguna ng UK, kasama ang US at Portuguese teams, upang matukoy ang eksaktong dahilan ng kolisyon. RNT/SA