MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Linggo na ang mga isinagawang kilos-protesta sa iba’t ibang panig ng bansa nitong Sabado upang ipakita ang suporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng kanyang detensyon sa International Criminal Court (ICC) prison sa The Hague, Netherlands ay “generally peaceful.”
“Naging generally peaceful naman ‘yung mga naging aktibidad at ‘yung mga protesta at rally relating sa pangyayari nung nakaraang Martes… Ang huling report natin na natanggap ay mga past 11 p.m. na po at maayos namang natapos ang mga activities nationwide,” pahayag ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo sa isang panayam.
“Nakabantay tayo simula pa lamang ng kanilang activities at naging maayos naman po at wala naman po tayong nai-record na any major untoward incidents,” dagdag niya.
Nagsagawa ang mga taga-suporta ni Duterte ng motorcade sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila nitong Sabado. Gayundin, nagsagawa ng vigil at interfaith prayer upang ipanalangin ang pagbabalik ni Duterte sa bansa.
Umarangkada rin ang parehong mga rally sa ibang lalawigan sa Pilipinas, partikular sa Davao City.
“Kapagka ang kanilang protest o rally ay gagawin outside of ng mga freedom parks, ay kailangan nila ng permit. But ‘yung malaking rally po kahapon katulad dito sa Maynila, sa Liwasang Bonifacio, ‘yan naman ay kasama sa freedom parks kaya hindi na kailangan ng permit,” paliwanag ni Fajardo.
Isinailalim si Duterte sa kustodiya ng mga awtoridad nitong Martes matapos maaresto pagdating sa Pilipinas mula sa Hong Kong. Kalaunan ay dinala siya sa The Hague Penitentiary Institution o ang Scheveningen Prison upang humarap sa ICC trial.
Humarap ang dating Philippine leader sa ICC nitong Biyernes, sa pamamagitan ng video link mula sa detention center.
Sa hearing, kinumpirma ng Pre-Trial Chamber I ang pagkakakilanlan niya at tiniyak na alam niya sa lenggwaheng ginagamit at naiintindihan niya ang mga krimen na inaakusa laban sa kanya at kanyang mga karapatan sa ilalim ng ICC’s Rome Statute.
Nakatakda ang sunod na pagdinig sa confirmation of the charges sa September 23, 2025. RNT/SA