Home NATIONWIDE PNP handang tumulong sa pagsisilbi ng posibleng arrest warrants vs iba pang...

PNP handang tumulong sa pagsisilbi ng posibleng arrest warrants vs iba pang sangkot sa drug war – spox

MANILA, Philippines- Inihayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Linggo na handa itong umasisti sa International Criminal Police Organization (Interpol) sakaling mag-isyu ng iba pang warrants of arrest laban sa “co-perpetrators” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang war on drugs.

Subalit, sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo na wala pang impormasyon ukol dito, ngunit tiniyak na ang PNP ay mayroong “template” sa pagsisilbi ng posibleng arrest warrants sa iba pang mga indibidwal na sangkot sa drug war.

“Unang una, ayaw nating pangunahan ang proseso. Although alam naman natin na maliban kay dating pangulo ay may mga kasama po siya doon sa mga nakasuhan. Pero tama po kayo, since nauna na nga itong naging pag-aresto sa dating pangulo, ay more or less may template na tayo,” pahayag niya sa isang panayam.

“Ibig sabihin, kung saka-sakaling may lalabas at hihingin po muli ng Interpol ang tulong ng PNP ay nakahanda po ang PNP na mag-provide ng assistance at i-implement po natin itong warrant na ito according sa ating umiiral na batas,” dagdag niya.

Nagsilbi ang mga awtoridad nitong Martes ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay Duterte para sa murder charges bilang crime against humanity kaugnay ng kanyang drug war na nagresulta sa pagkasawi ng umano’y 6,000 indibidwal.

Kasalukuyang nasa detensyon sa ICC prison sa The Hague, Netherlands ang dating Philippine leader at unang humarap sa ICC noong Biyernes, sa pamamagitan ng video link.

Noong Miyerkules, sinabi ng Malacañang na wala itong natanggap na anumang official communication ukol sa anumang Interpol red notice para sa “co-perpetrators” ni Duterte hinggil sa mga pagpatay sa war on drugs ng kanyang administrasyon.

Subalit, inihayag ni ICC Assistant to Counsel Kristina Conti na binubusisi ng nternational court ang papel nina Senator Ronald “Bato” Dela Rosa at isa pang dating PNP chief na si Oscar Albayalde, sa kontrobersyal na anti-drug campaign, at posible ring mag-isyu ng arrest warrants laban sa kanila.

“Sa ngayon as we speak, ay wala tayong information at wala po tayong paunang information na meron na pong lumabas na warrant of arrest patungkol po sa iba pa po nating mga opisyales o indibidwal na kasama doon sa kaso sa ICC,” giit ni Fajardo. RNT/SA