MANILA, Philippines – Nananatiling kumpiyansa ang Malakanyang na mayorya ng mga pinoy ay naniniwalang mapananagot at makukulong ang mga inaasahang suspek ng flood control mess.
Ito’y sa kabila ng lumabas kamakailan na resulta ng survey ng Pulse Asia na nagpapakita na bumaba sa huling kwarter ng 2025 ang kumpiyansa ng mga pinoy na mapananagot ng gobyerno ang mga opisyal na sangkot sa flood control mess.
Sa nasabing survey, isinagawa mula Dec. 12 hanggang 15, sa 1,200 adult respondents, may 59% ng mga pinoy ang nagsabi na umaasa sila na mahaharap ang mga ‘guilty officials’ sa consequences. Ang pigura ay bumaba mula 71% sa September 2025 survey.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang resulta ng survey ay nangangahulugan lamang na mayorya ng mga pinoy ay naniniwala sa kakayahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“So majority pa rin po ang naniniwala sa kakayanan ng Pangulo,” ayon kay Castro.
“So ito po ay positibo dahil alam nila na ang dapat managot ay maaaring mabilanggo,” aniya pa rin.
Binigyang diin ni Castro na “it cannot be denied that the President is taking action to curb corruption.”
“Sabi nga natin, hindi lahat ng pagkakataon ang Pangulo ay mag-iimbestiga ng korapsyon sa kanyang panahon. Hindi ito nangyari sa nakaraang administrasyon,” diing pahayag ni Castro.
“Ang sabi nga natin, kung hindi ito gagawin ng Pangulo ngayon, kailan pa? At kung hindi ang Pangulong Marcos ang gagawa nito, sino pa? Siya lang naman po ang may lakas ng loob na maapektuhan man po ang kanyang administrasyon, gagawin niya pa rin po ito para sa taumbayan,” ang dagdag na wika nito.
Habang mayorya ng mga pinoy ay naniniwala na ang ‘guilty officials’ sa multi-billion flood control mess ay maparurusahan, makikita naman sa survey na 48% ng mga respondents ay napahayag na wala silamng tiwala kay Pangulong Marcos sa paghawal ng flood control anomaly, kumpara sa 30% trust, habang 22% naman ang undecided. (KRIS JOSE)