Home OPINION PINOY SA BANGLADESH LIGTAS NA KAYA?

PINOY SA BANGLADESH LIGTAS NA KAYA?

LIGTAS na kaya ang nasa 500 Pinoy na naninirahan sa Bangladesh?

Tinatanong natin ito dahil nasa gitna ng alanganing kalagayan ang bansang ito sa matitinding nagaganap.

Kabibitiw lang sa pwesto si Prime Minister Sheikh Hasina makaraan ang 15 taong paghawak sa poder.

Isinikay siya ng militar sa isang military plane patungong India at ngayo’y naghihintay siya ng pag-aprub ng United Kingdom ng kanyang asylum.

Pinalaya naman sa kulungan ni Pangulong Mohammed Shahabuddin si dating Prime Minister at opposition leader Khaleda Zia saka nilusaw ang kanilang parliament.

Gumitna naman ang militar at sinabi ni Heneral Waker-Uz-Zaman, kasama ang mga lider oposisyon, na magtatayo agad sila ng pansamantalang gobyerno para ayusin ang lahat ng kaguluhan.

300 PATAY NA RALIYESTA AT PULIS

Nagkagulo sa Bangladesh simula sa nakaraang buwan dahil sa quota system sa empleyo sa gobyerno.

Sa quota system, pangunahing nabibigyan ng trabaho ang mga kamag-anak ng mga nasa gobyerno at mga kamag-anak ng mga lumaban noon sa Pakistan upang magkaroon sila ng pambansang kalayaan.

Masasabaw na, makapangyarihan pa ang mga pwesto o empleyo sa pamahalaan dahil mula sa laban para sa demokrasya at kalayaan sa Pakistan, naging diktadurya ang pamahalaan sa kalaunan hanggang sa huling araw.

Nang mag-rally ang mga kabataang biktima ng quota system, sumakay sa kanila ang mga oposisyong pulitikal at lumakas nang todo ang pwersa nila na naglayong patalsikin si Hasina hanggang sa sila’y magtagumpay.

Pero dumaan muna ang lahat sa madugong engkwentro ng mga pwersa ng pamahalaan at raliyesta hanggang sa mamatay ang 300 katao, kasama ang nasa 100 nitong nakaraang Linggo.

May ilang pulis ngunit karamihan sa mga raliyesta ang nasawi.

ISTAYL PEOPLE POWER

Sa huli, hindi na hinintay ng mga tao ang pagbaba ng Korte Suprema nila ng pinal na desisyon kung papayagan ang quota system na mabuwag nang tuluyan.

Makaraang mapatay ang nasa 100 na raliyesta nitong Linggo, sumugod na ang daang libong tao sa kanilang pinaka-Malakanyang Palace lalo nang ianunsyo ni Hasina ang kanyang pagbibitiw.

Sumama na sa mga nakipaglaban para sa panibagong demokrasya at gobyerno ang mga magnanakaw at maninira ng bahay sa tirahan ni Hasina at inokupa ito at sinakop na rin nila ang mga tahanan ng mga kamag-anak ng mga nawalan ng kapangyarihan.

Halos naging walang kaibhan sa nangyari sa kanilang presidential palace sa ating Malacanang Palace noong 1986 makaraang itakas ng mga Kano ang mga Marcos patungong Hawaii.

Habang nagsasaya ang mga nasa EDSA sa pagbagsak ng mga Marcos, nilusob ng mga anti-Marcos ang Malacañang Palace, sinira ito at pinagnakawan ng mga magnanakaw ang puwede nilang kunin sa loob nito.

Pero habang nagaganap ang halos parehong kaganapan noon sa Pinas at sa Bangladesh, nasa isipan natin ang mga Pinoy sa nasabing dayuhang bansa.

Ligtas naman kaya sila?