Home NATIONWIDE Pinoy teachers, alagaan sa edukasyon, training—Mayor Abby

Pinoy teachers, alagaan sa edukasyon, training—Mayor Abby

MANILA, Philippines- Naniniwala si senatorial candidate at Makati Mayor Abby Binay na dapat pondohan ng gobyerno ang tuloy-tuloy na edukasyon at pagsasanay ng mga guro para mas gumaling sila sa pagtuturo at makasabay sa mabilis na pagbabago ng panahon.

“Ang bilis ng pag-usad ng teknolohiya ngayon. Hindi pwedeng maiwan ang mga guro natin, kasi kapag sila’y napag-iwanan, damay rin ang kanilang mga estudyante,” sabi ni Binay.

Gaya ng mga abogado na tuloy pa rin sa pag-aaral habang nagtatrabaho, kanyang sinabi na dapat na ganito rin ang mga guro – patuloy sa pagpapalawak ng kaalaman para laging handa sa mga pagbabago sa edukasyon.

Dagdag niya, kahit may mga modernong pasilidad sa mga paaralan kung kulang naman sa kakayahan ang mga guro, wala ring silbi aniya ang lahat ng ito.

“Ang kalidad ng edukasyon ay nakasalalay talaga sa galing ng guro. Kaya dapat suportahan natin sila, lalo na pagdating sa bagong paraan ng pagtuturo gamit ang teknolohiya,” anang alkalde ng pinakamayamang lungsod sa bansa.

Nilinaw niya na dapat gobyerno ang sumagot sa gastos sa ganitong training para hindi ito maging dagdag na pasanin sa mga guro.

Ipinunto rin ni Binay na nais niyang palawakin sa buong bansa ang mga programang ginagawa na ngayon sa Makati. Sa lungsod, prayoridad ang mga guro—may nakalaang pondo taon-taon para sa kanilang training at kagamitan.

Sa ilalim ng Project TEACH o Teacher Effectiveness and Competence Honing, sinasagot ng Makati local government unit ang executive courses ng mga pampublikong guro gamit ang Special Education Fund. Umaabot sa P7 milyon hanggang P15 milyon ang laan para rito kada taon.

Ngayong taon, sinimulan na rin ang Executive Class Diploma program katuwang ang St. Paul College of Makati.

Bukod sa training, may libreng serbisyong medikal din ang mga guro sa ilalim ng Yellow Card program ng lungsod, gaya ng checkup, laboratoryo, confinement sa ospital, at maintenance medicine.

Sa inisyatiba ni Mayor Binay, tumatanggap din ang mga guro ng P3,000 buwanang insentibo, P6,000 year-end at fringe benefit, P2,500 buwanang allowance para sa SPED teachers, P3,000 para sa ALS, P4,500 para sa mga ASATIDZ, at P5,000 chalk allowance bawat taon para sa preschool teachers. RNT