Home NATIONWIDE Piso bulusok sa P60.1 vs dolyar matapos magdeklara ng energy emergency

Piso bulusok sa P60.1 vs dolyar matapos magdeklara ng energy emergency

133
0

MANILA, Philippines – Bumalik sa antas na P60 kada dolyar ang piso nitong Miyerkules matapos ideklara ng pamahalaan ang national energy emergency at pairalin ang whole-of-government response upang matiyak ang matatag na suplay ng enerhiya sa gitna ng armadong sigalot sa Middle East.

Humina ang lokal na pera ng 15 sentimo at nagsara sa P60.1:$1 mula sa P59.95:$1 noong Martes. Naitala rin nito ang intraday low na P60.133:$1 at intraday high na P59.888:$1.

Ayon kay Rizal Commercial Banking Corp. chief economist Michael Ricafort, ang paghina ng piso ay maiuugnay sa deklarasyon ng national energy emergency at tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis, na maaari umanong magtulak sa inflation sa double-digit levels.

Sa ilalim ng Executive Order 110, iniutos din ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagpapatupad ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport o UPLIFT para sa mga apektadong sektor.

Layunin ng kautusan na buhayin ang whole-of-government response upang mapanatili ang energy supply stability, suportahan ang mahahalagang sektor gaya ng transportasyon, agrikultura, at micro, small, and medium enterprises, at maprotektahan ang mga Pilipino laban sa epekto ng global oil supply disruptions.

Nauna nang nagbabala si Department of Economy, Planning, and Development Secretary Arsenio Balisacan na maaaring umabot sa double-digit levels ang inflation sa “most severe scenario,” kung saan posibleng tumaas ng 176% ang presyo ng diesel sa P162.50 kada litro sa Mayo kapag umabot sa $200 kada bariles ang crude oil.

Nasa 2.4% ang inflation noong Pebrero, ang pinakamabilis sa loob ng 13 buwan mula sa 2.9% noong Enero 2025, pangunahing dulot ng pagtaas ng presyo ng pagkain, non-alcoholic beverages, at housing and utilities. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here