MANILA, Philippines- Sinabi ng transport group na Piston nitong Biyernes na plano nitong makilahok sa 3-day transport strike na ikinasa ng Manibela para sa susunod na linggo.
Ani Piston national president Mody Floranda, umaasa siyang makakausap si Manibela chairman Mar Valbuena upang plantsahin ang kanilang susunod na plano kasunod ng paggiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipatupad ang Public Transport Modernization Program (PTMP) sa gitna ng mga panawagan na suspendihin ito.
“Ang satin ay dapat pag-aralan mismo ni PBMM kung bakit nagkaroon ng Senate resolution. Tayo ay maglulunsad ng mga serye ng pagkilos hindi lamang dito sa NCR kundi sa buong bansa, naghahanda tayo sa mas malawak na transport strike sa harap mismo ng Malacanang,” pahayag ni Floranda sa pagsasagawa ng Piston ng kilos-protesta sa harap ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) office.
Base kay Floranda, ginagawa ng Piston at iba pang transport groups na kontra sa konsolidasyon ang kanilang bahagi upang imodernisa ang kanilang mga unit.
Samantala, pinasalamatan ng pro-PTMP transport group na “Magnificent 7” si Marcos sa paninindigan sa modernization program.
Inihayag ni Pasang Masda president Roberto “Ka Obet” Martin sa isang press conference na nangangamba ang mga kooperatiba at korporasyong sumusuporta sa konsolidasyon matapos lagdaan ng 22 senador ang resolusyon na nananawagan ng suspensyon nito.
“Ako ho, namuti na ang buhok ko sa transportasyon. Luma na ho ang tigil-pasada, hindi na po uso yan. Ang uso, ugnayan sa ating pamahalaan,” ani Martin sa planong kilos-protesta. RNT/SA